Mayorya ng mga Pilipino ang nais na humarap si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial sa Senado, batay sa resulta ng isang survey na inilabas ngayong Lunes.
Sa Tugon ng Masa (TNM) survey ng OCTA Research, 78% ng mga Pinoy ang nais na matuloy ang gagawing paglilitis ng Senado bilang impeachment court kay Duterte, upang sagutin ng huli ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Sa naturang survey, 13% ang tumutol at 9% ang hindi alam ang isasagot o walang sagot.
“These findings reflect strong public support for accountability and due process in addressing the allegations against the Vice President,” ayon sa OCTA.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng kampo ni Duterte nais nilang matuloy ang impeachment trial. Nakahanda na umano silang ipagtanggol ang pangalawang pangulo.
“We deem it proper to refrain from commenting on matters that are exclusive and internal to the Senate. However, we reiterate our firm position that the initiation of the impeachment process—particularly the Fourth Impeachment Complaint—suffers from serious constitutional infirmities,” ayon sa defense team.
Isinagawa ang non-commissioned survey ng Octa noong April 20 hanggang 24, sa paraan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na edad 18 pataas.
Nakatakdang simulan ng Senado ang pagbasa sa Articles of Impeachment sa June 11, na magiging hudyat ng opisyal na paggalaw ng kapulungan sa naturang kaso laban kay Duterte.
Gayunman, magtatapos ang kasalukuyang 19th Congress sa katapusan ng buwan, at pinagtatalunan ng pupuwede bang tumawid sa 20th Congress ang paglilitis kung saan uupo na ang 12 nanalong senador noong May election, at aalis naman ang mga natalo o natapos na ang termino.
Kabilang sa mga alegasyon laban kay Duterte ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft and corruption, at iba pang other high crimes.
Mariin namang pinabulaanan ni Duterte ang mga alegasyon. — mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News

