Lumabas sa resulta ng awtopsiya na nagkaroon ng pagdurugo sa utak ng 10-anyos na lalaki na namatay matapos tuliin sa Tondo, Maynila. Ang paggamit ng anesthesia ng nagpakilalang duktor, mali umano, ayon sa awtoridad.

“Ibig sabihin ay may nakitang pagdurugo sa isang parte ng utak ng bata at posibleng may kaugnayan dito yung pagturok ng anesthesia,” sabi ni Manila Police District (MPD) Homicide Division chief Police Captain Dennis Turla sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News “24 Oras” nitong Lunes. 

Nagsampa na umano ang MPD Homicide Division ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide laban sa suspek.

Isinagawa nitong nakaraang buwan ang pagtuli sa bata sa klinika ng suspek na isang komadrana pero nagpakilala umanong duktor.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, natukoy na isang licensed midwife ang suspek pero hindi doktor. Nakalaya ang suspek matapos makapagpiyansa.

Ang ina ng bata na si Marjorie San Agustin,  ipinapaubaya na sa hustisya ang lahat.

“Bahala na po yung batas sa kaniya. Hinihiling ko rin po na matapos na po ito, yung makulong na yung ‘doktor’. Kasi di ko rin alam kung paano magsisimula,” pahayag niya. 

Bukod sa resulta ng awtopsiya, at pahayag ni San Agustin, gagamitin ding ebidensiya laban sa suspek ang pahayag ng tumatayong sekretarya ng lying-in clinic. 

Ayon sa sekretarya, komadrona ang pagkakaalam niya sa dati niyang amo. Marami na umano itong pinaanak at tinuli.

Hinala niya, nagkaroon ng epekto sa bata ang itinurok na anesthesia. Napansin niya ang pagbula ng bibig ng biktima.

“Sa bibig po niya may bula na…Pero malakas po siya hanggang sa matapos yung tuli. Kinakausap ko po siya para sa ma-relax siya,” kuwento niya.

Patuloy pang sinusubukan ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag ang suspek.-- FRJ, GMA Integrated News