Nakasilid sa plastic at patay na nang matagpuan sa basurahan ang isang bagong silang na sanggol na lalaki sa Barangay Pinagbuhatan, Pasig City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing natagpuan ng mga residente ang sanggol na nakasilid sa asul na plastic sa bahagi ng Eusebio Avenue bandang 2 p.m. ng Martes.
“Una may dumaan na jeep, nagulungan ‘yung gilid ng plastic. Pangalawa may dumaan na truck. Then noong huli, may kotse na dumaan hanggang nabuklat ‘yung plastic, may laman palang bata,” sabi ni John Mar Cagas, may-ari ng katabing gusali.
Agad nilang binalutan ng tela ang sanggol bago tumawag sa 911.
Makaraan ang halos 30 minuto, dumating ang mga taga-barangay at mga pulis. Dumating naman ang ambulansiya ng 4 p.m. at sinuri ang sanggol.
Maaaring nasa pitong buwang gulang ang sanggol na lalaki. Kalaunan, kinuha ng punerarya ang bangkay ng sanggol.
Sinubukan ng GMA Integrated News na kunin ang pahayag ng Investigation Section ng Pasig City Police Station ngunit hindi pa sila nagbibigay ng kasagutan.
Ayon naman sa barangay, makikipagtulungan sila sa mga awtoridad para sa backtracking ng mga CCTV upang matunton kung sino ang nagtapon sa sanggol sa lugar. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
