Iniutos ni Transportation Secretary Vince Dizon ang pagsuspinde sa 15 bus ng GV Florida Transit matapos mag-viral video na nagkakarera umano ang ilan nitong bus sa national highway sa Cagayan.

Naglabas ng pahayag ang kompanya ng bus para humingi ng paumanhin at sinabing, “the content does not align with our company’s values and standards.”

Gayunman, hindi tinanggap ni Dizon ang naturang paumanhin ng kompanya.

“I personally told Chairman Guadiz to seek the maximum penalties against [GV] Florida Bus. Hindi porket walang nasaktan, walang nadisgrasya ay ganun ganun na lang. I saw the statement and apology of the [GV Florida Transport] and I’m telling them now, apology not accepted… Ginawa lang sports car yung mga bus nila,” sabi ni Dizon sa press briefing nitong Martes, kasama ang mga opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

Nagbabala rin si Dizon na parurusahan ang mga driver ng bus company na hindi makikipagtulungan sa imbestigasyon habang umiiral ang 90-day preventive suspension.

“Uulitin ko, lalo na sa mga driver ng mga bus na ‘yun, mahirap mawalan ng trabaho ngayon. Pero dahil sa kalokohan na ginawa ninyo, 90 days wala kayong trabaho. Kapag nahuli namin ang [GV Florida Transport] na pinagmamaneho pa rin ang mga driver na 'yan, pasensyahan na lang tayo,” babala ng kalihim.

Kasabay nito, hinikayat ni Dizon ang publiko na i-tag ang kanilang tanggapan kapag may nakuhanan na video ng mga sasakyan na walang ingat sa pag-arangkada sa daan.

“Tag niyo lang yung DOTr sa Facebook, makikita na namin yun agad-agad. I-tag niyo ang LTFRB, i-tag niyo ang LTO…Makakaasa kayo na aaksyunan namin agad-agad,” pangako ni Dizon. —FRJ, GMA Integrated News