Naaresto ang dalawa sa apat na lalaking nangholdap sa isang TNVS driver na tumangay sa pera ng biktima na P500 sa Tondo, Maynila. Ang isa sa mga suspek, kakalaya lang pala mula sa kulungan.
Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV camera ng Barangay 129 pasado 2 a.m. ng Martes, ang isang kotseng pumarada sa gilid ng kalsada.
Ilang saglit lang, tumakbo palayo ang tatlong lalaking sakay nito. Hinahabol na pala sila ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon, biniktima ng mga kawatan ang driver ng na-book nilang Transport Network Vehicle Service (TNVS).
Nagpanggap na mga pasahero ang apat na lalaki at nagdeklara ng holdap pagsakay nila ng sasakyan.
Nakuha ng mga suspek ang P500 na pera mula sa driver.
“Buti itong TNVS driver natin ay alisto. Habang siya bumabaybay along Rodriguez Street, saktong naispatan niya ‘yung kapulisan natin sa may bandang H. Lopez naka-standby doon kasama 'yung mobile din natin. Ginawa natin ng TNVS driver na ito ay ipinarada mismo 'yung sasakyan, sabay baba. Sinabihan kaagad ang pulis natin na may mga holdaper sa loob,” sabi ni Police Major Jomar Mukkaram, Pritil Sector Commander ng Raxabago Police Station.
Dalawa sa mga lalaki ang nadakip ng pulisya habang pinaghahanap pa ang dalawa nilang kasama.
Nakumpiska sa mga suspek ang isang .38 na baril at mga bala nito.
“Alam na nila po 'yung lulusutan nila kaya hinabol din po ng ating mga kapulisan doon. So hanggang ngayon po ongoing pa rin kami na para ma-identify din po 'yung dalawang suspek na involved,” sabi ni Mukkaram.
Umamin sa krimen ang mga nadakip. Ang dalawa raw nilang kasama na nakatakas ang nagplano ng holdap.
“Totoo po ‘yung panghoholdap. Kakulangan din ng pera eh. Mahuli rin po sana 'yung dalawa na ‘yun. Sila 'yung may alam, may pakana ng holdapan na ‘yun eh. Sila 'yung nagbu-book eh. Kumbaga sumama lang kami sa kanila,” sabi ni alyas “Ron-Ron,” isa sa mga suspek.
“Mag-iinom lang daw po. Ayun pala ang mangyayari, holdapan. Nagulat na lang po kami,” sabi naman ni alyas “Buboy,” isa pang suspek.
Batay sa mga rekord ng pulisya, dati nang dawit sa mga kaso ng pagpatay, child abuse at iligal na droga ang mga suspek.
Ang isa sa mga nahuli, napag-alaman na kalalaya lang noong Hunyo 3.
Nakadetene na ang mga suspek sa Raxabago Police Station ng Manila Police District, at sasampahan ng mga reklamong robbery, direct assault, paglabag sa illegal possession of firearms and ammunition, at paglabag sa gun ban alinsunod sa Omnibus Election Code.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News
