Isinilang na maliit ang ulo o may microcephaly, naiiba ang hitsura, hirap kumilos at bumalanse ang sanggol na si Baby Lily. Sa kabila ng kaniyang kondisyon, patuloy ang kaniyang paglaban sa buhay.

Sa nakaraang episode ng “Pinoy MD,” inilahad ni Neriza De Guzman, ina ni Baby Lily, na noong isilang niya ito, tinaningan na siya ng doktor na 24 oras lang posibleng mabuhay ang sanggol.

“Araw-araw po, pumapasok po sa isip po na isang araw mawala si baby. Ang sakit talaga kasi hindi po ano 'yung kondisyon ni baby. Halos araw-araw, gabi-gabi, pini-pray ko po na sana tumaas pa po ang ano niya para makasama po po namin siya kahit ganiyan siya po,” sabi ni De Guzman.

Limang buwan pa lamang ipinagbubuntis ni De Guzman si Baby Lily nang ma-diagnose ito na may microcephaly.

Dahil dito, may problema rin siya paningin, pandinig, at paglunok. May bukol din siya sa bandang likod.

Ang microcephaly ang kondisyon kung saan mas maliit ang ulo ng sanggol kaysa sa karaniwang sukat para sa kaniyang edad.

Ipinaliwanag ng pediatrician sa Diliman Doctors Hospital na si Dr. Barbi Bareng na kapag may microcephaly ang isang sanggol, posibleng nagkaproblema ito sa pag-develop ng utak.

“Ang brain at ang skull ay sabay ‘yan nagde-develop. Habang lumalaki ang utak, lumalaki rin ang skull. So kaya may mga fontanels. So may mga pagkakataon na nasa loob pa lang ng sinapupunan ay naha-hamper ang development,” sabi ni Dr. Bareng.

Dagdag niya, isa sa mga bahagi ng utak na naapektuhan ng microcephaly ang cerebral cortex, na responsable sa pag-iisip, memorya, pandama at motor control. Dahil hindi buong lumaki ang utak, maaari itong magdulot ng intellectual disability, pagkokumbulsyon at developmental delay.

Sa ilang kaso, ang cerebellum, o bahagi ng utak na responsable sa balance at coordination, ay maaaring maapektuhan at nagdudulot ng problema sa motor skills, gaya ng paglalakad.

Maaari ring maapektuhan ang brainstem, na maaaring magdulot ng problema sa paghinga, paglunok at heart rate.

Bago nito, na-diagnose si De Guzman ng lupus, isang autoimmune disease kung saan inaatake ng sariling tissue ng katawan ang immune system, kaya ito naka-aapekto sa iba't ibang organ.

Sumailalim ng anim na buwan na chemotherapy si De Guzman. Sa kaniyang huling chemotherapy, hindi niya namalayang buntis na pala siya.

“Noong ipinagbubuntis ko po si baby, hindi po ako makalakad, masakit po 'yung isang paa ko po siguro dala ng sakit po. Tapos 'yung pagbubuntis ko naman sa kaniya, medyo mahina talaga 'yung katawan ko, 'yung immune system ko po mahina talaga. Tapos mababa po ang potassium ko po,” sabi ni De Guzman.

Kaya hinala ni De Guzman, naapektuhan si Baby Lily ng mga gamot na kaniyang iniinom noong ipinagbubuntis niya ito.

“Minsan po, sinisisi ko po ang sarili ko kasi nagkaganyan si baby, masakit sa akin. Pero, pina-pray ko na lang po na sana araw-araw maging healthy na lang siya,” sabi ni De Guzman.

Kinumpirma ni Dr. Bareng na maaaring magkaroon ng microcephaly ang isang sanggol kung umiinom ng chemotherapeutic drugs ang isang buntis na nanay na may cancer.

Kinumpirma niya ring epekto ng pag-inom ng acne medication habang nagbubuntis ang pagliit ng ulo ng sanggol.

Nilinaw ni Dr. Bareng na posibleng sanhi ng microcephaly ang impeksyon ng ina habang nagbubuntis gaya ng Zika virus, Rubella, toxoplasmosis o cytomegalovirus, o kaya exposure sa mapanganib na kemikal, alak o droga habang nagdadalang-tao.

“Ang isang nanay na kulang sa folic acid ay pupwedeng magkaroon din ng anak na ang end result ay nagkakaroon ng microcephaly. Puwede rin na 'yung nanay ay na-expose sa kung ano-anong chemicals. Kung ang nanay ay exposed or gumagamit ng drugs, mga ipinagbabawal na gamot,” sabi ni Dr. Bareng.

Nakaaapekto rin sa sanggol kung naninigarilyo ang isang ama o ina.

Walang lunas sa microcephaly, pero makatutulong ang maagang intervention, tamang paggabay at suporta mula sa mga espesyalista para mapaunlad ang kakayahan at kalidad ng buhay ng bata.

Samantala, nilalayon ng grupong Microcephaly Awareness Philippines na maipalaganap ang pag-unawa sa microcephaly at mabigyang suporta ang mga pamilyang nag-aalaga sa mga mayroon nito.

Ilalaban ni De Guzman si Baby Lily hangga’t kaya.

“‘Yung mabuhay na lang po siya nang matagal na kasama namin, ‘yun na lang 'yung pinapasalamatan ko sa Panginoon po na kung hanggang kailan Niya po ipapahiram sa amin si Baby Lily po. Wala na po akong dapat hingiin pa po, 'yung makasama na lang namin siya araw-araw, 'yung maibigay ko po sa kaniya 'yung mga pangangailangan niya, 'yung makita niya na kung gaano namin siya kamahal.” —LDF, GMA Integrated News