Dahil sa banta sa kaniyang buhay at inuusig umano ng konsensiya, umamin ang isa sa mga akusado sa kidnapping case ng mga nawawalang sabungero na patay na ang mga biktima, at kung saan ibinaon.
Sa exclusive report ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng akusado na itinatago sa pangalang "Totoy," handa siyang makipagtulungan upang mabigyan ng hustisya ang mga biktima.
“Mga nanay, kamag-anak, handa po ako na makipag-tulungan sa inyo, para makamit ang hustisya,” sabi ni Totoy nang makausap niya sa telepono ang ilan kaanak ng ilang biktima, na halos apat na taon nang nawawala.
Nang tanungin si Totoy ng mga kaanak kung buhay pa kaya ang kanilang nawawalang mga mahal sa buhay, ayon sa akusado, "Ang akin lang maibigay ko lang ang hustisya ng inyong pamilya. Pero kung ako ang tatanungin, mukhang malabo na buhay pa sila.”
Tinanong din si Totoy kung alam ba niya kung saan dinala ang mga labi ng mga biktima, sabi ng akusado, “Sa ngayon, hindi na natin makikita ang buto, pero alam ko kung sino ang nasa likod nito.”
Dahil sa mga inihayag ni Totoy, umaasa ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero na magkakaroon na ng linaw kung ano ang sinapit ng mga biktima.
Ayon pa kay Totoy, sa Taal Lake nakabaon ang mga biktima kasama ang mga pinatay umanong mga drug lord.
“Paano mabubuhay yan eh nakabaon na 'yan doon sa Taal Lake. Lahat 'yan. Kung huhukayin yun, mga buto- buto, paano natin makilala ang mga 'yun? Di lang missing sabungero ang mga 'yun, may iba pang tinatapon dun, pati drug lord,” sabi pa ni Totoy.
Sinabi pa ni Totoy na pinatay ang mga biktima sa pamamagitan ng pagsakal gamit ang tie wire.
Kinukuha umano nila ang mga nandadaya sa subungan at ibibigay sa isang grupo na hindi muna tinukoy ni Totoy.
Sa paniwala ni Totoy, aabot sa halos 100 tao na may kaugnayan sa sabong ang pinatay, at hindi lang ang 34 na nawawalang mga sabungero.
“Nagtaka ako, bakit ambilis? Halimbawa walo? Ambilis. Sabi ko, Baka naman pinakawalan niyo 'yan, yari tayo kay boss, sabi ko sa kanila, 'hindi may video kami.' Sinendan ako ng video, doon nakita kung paano,” kuwento ni Totoy.
Ilalahad umano ni Totoy ang kaniyang mga nalalaman sa isusumite niyang sinumpaang salaysay na ibibigay sa mga awtoridad.
Kasama niyang isisiwalat ang utak umano ng pagpatay sa mga biktima.
Witness protection program?
Sa hiwalay na ulat ni Saleema Refran sa 24 Oras,” inihayag ng Department of Justice (DOJ) na susuriin nila ang magiging testimonya ni Totoy.
“Titingnan ko lang kung ang kaniyang sinasabi at yung sinasabi ng ibang testigo ay kapareho sa mga nakarating sa ating tanggapan,” ayon kay DOJ Sec. Crispin Remulla.
“Puwede naman siyang pumunta rito at bibigyan namin siya ng pansin at bini-build-up pa namin ang kaso pero malapit na. Malapit na,” sabi pa ni Remulla.
Handa naman umano ang pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) na protektahan si Totoy sa gagawin nitong pagsisiwalat.
“Maganda 'yan at sige pakinggan natin siya. I assure him na bibigyan namin siya ng proteksyon akong bahala sa kaniya, huwag syang matakot. Maganda 'yan, welcome yan,” ayon kay NBI director Jaime Santiago. –FRJ, GMA Integrated News
