Isang 11-anyos na lalaki ang nasawi matapos umanong turukan ng pangalawang anesthesia habang tinutuli sa klinika ng isang pinaniniwalaang duktor sa Mulanay, Quezon.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, hindi matanggap nina Marlon at Jenny Reaño ang biglang pagkawala ng kanilang anak na si L.A. Reaño.

“Sobrang sakit po. Hindi po namin alam ang gagawin. Gumuho ang mundo para sa amin dahil ang kaisa-isa naming anak po 'yun,” sabi ni Marlon.

Ayon sa mga magulang, nangyari ang insidente noong Abril sa isang klinika sa Mulanay. Kinuhanan pa nila ng video ang prosesong ginawa sa kanilang anak.

Pero bago pa man masimulan ang pagtuli sa bata, nangisay umano ito nang bigyan ng ikalawang anesthesia, at kinalaunan ay nalagutan na ng hininga.

“Tatlong taon kaming hindi biniyayaan ng anak. Noong dumating siya sa amin, sobrang saya namin,” umiiyak na pahayag ng ginang sa sinapit ng kanilang anak.

“Sabi namin, gagawin namin ang lahat para mabigyan lang ng magandang kinabukasan yung anak namin. Tapos gano'n lang gagawin ng doktor ngayon. Akala namin safe siya noon dahil doktor nga siya,” dagdag pa niya.

Nais nina Marlon at Jenny na managot ang duktor sa nangyari sa kanilang anak.

“Sana po matanggalan siya ng lisensiya, makulong, mapasara ang klinik. Lahat po ng puwedeng kaso,” ayon sa ama.

Matapos na mabalitaan ng mag-asawa ang nangyari sa 10-anyos na lalaki na namatay din matapos tuliin sa Tondo, Maynila, humingi sila ng tulong sa National Bureau of Investigation (NBI), para makasuhan ang duktor.

Ipinakita ng mag-asawa ang death certificate ng kanilang anak kay NBI Director Jaime Santiago.

“Ayon din nga sa ating medico-legal, yung pagkaka-inject na yun parang hindi tama. Nagkaroon ng aneurysm at parang naapektuhan yung utak agad ng bata, eh patay agad,” ani Santiago.

“Narinig ko sa ama ng bata, pangalawang turok. Eh bakit dalawa ang turok? Tama ang dapat na dosage ng pampamanhid,” dagdag niya.

Sinabi ni Santiago na ipatatawag nila ang duktor at pagpapaliwanagin.

Sinubukan ng GMA Integrated News na makuha ang panig ng duktor pero hindi siya sumagot sa mga text at tawag.

Matatandaan na lumabas sa resulta ng awtopsiya sa batang tinuli sa Tondo na nagkaroon ng pagdurugo sa utak nito at namatay dahil umano sa maling paggamit ng anesthesia ng nagpakilalang duktor na isa palang komandrona.-- FRJ, GMA Integrated News