Hinuli ang isang 16-anyos na binatilyo at kaniyang mga kasamahan matapos siyang sumayaw nang nakahubo at magpakita pa ng ari habang nakasabit sa umaandar na tricycle sa Antipolo City.Sa ulat ni John Consulta sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang kuha ng isang motorista ng pagsasayaw nang hubo ng lalaki sa tricycle pasado 9 p.m. nitong Huwebes.Nagpakita pa ang lalaki ng kaniyang ari habang dumaan sa tabi-tabing tindahan ng mga pasalubong sa lugar.“Itong si alyas ‘Carl’ naman, habang sakay ng tricycle, ay lumabas at sumabit sa tagiliran ng tricycle at ibinaba ang kaniyang shorts. So kita 'yung private part,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Mark Henry Garcia, hepe ng Antipolo Police.Nakatakip ng t-shirt ang mukha ng lalaki, malakas ang pagtugtog ng tricycle at nagtatawanan ang mga sakay nito.Kinunan ng uploader ang plaka ng tricycle para makatulong sa mga awtoridad.Pagka–trace ng Antipolo Police sa tricycle, agad nilang pinatawag ang driver at tatlo pang sakay nito, kasama ang lalaking nakasabit na si alyas “Carl,” na edad 16 pa lang.Ayon kay alyas “Carl,” kasama niya noon ang kaniyang mga kaibigan.Tinanong sila kung bakit nila ito ginawa, at sumagot ang driver na napagtripan lang nila itong gawin.Desidido ang Antipolo Police na panagutin ang mga sangkot sa kanilang inasal.“Grave scandal po. 'Yung driver po nasa tamang edad na at 'yung exhibitionist mismo ay nasa pangangalaga po ng DSWD,” ayon kay Garcia.Sinubukan pa ng sa GMA Integrated News na hingiin ang panig ng driver ngunit tumanggi ito at hindi na humarap sa camera. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News