Humantong sa trahedya ang expedition ng dalawang Japanese mountaineer sa pinakamataas na bundok sa Peru, matapos mamatay ang isa sa kanila dahil sa hypothermia.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapanonood ang video ng rescue organization na Socorro Andino Peruano kung saan isa sa mga Japanese mountaineer ang halos hindi makagalaw habang nakahiga sa snow.

Katabi ng Japanese ang isang rescuer sa bundok, na napilitang mag-overnight kasama ang isa pang hiker sa Mount Huascaran na balot sa makapal na snow.

Ang Mount Huascaran ang pinakamataas na bundok sa Peru na may altitude na mahigit 6,700 meters above sea level.

Sa kabila ng pagiging experienced mountaineers ng dalawa, hindi nila kinaya ang naranasan nila pagdating sa tuktok.

"After seeing the images, we reached the conclusion that once they reached the summit, there was fog, and as they tried to descend, they got lost," sabi ni Beno Pinto, presidente ng Peru's Mountain Guides.

Dahil sa lamig sa bundok, nakaranas ang dalawang turista ng cerebral edema at hypothermia.

Ang cerebral edema ay isang uri ng pamamaga ng isang parte ng utak dahil sa na-trap na fluid.

Sinabi ng mga eksperto na maaaring maranasan ng isang tao ang cerebral edema kung nasa nasa mataas na lugar, o lugar na may altitude na 4,000 meters above sea level o higit pa.

Habang ang hypothermia naman ang abnormal na pagbaba ng body temperature dahil sa matagal na exposure sa matinding lamig.

Kahit na nasagip ng Peruvian rescuers ang dalawang babae, namatay ang isa sa kanila dahil sa hypothermia.

Kinilala ang nasawing Japanese mountain climber na si Chiaki Inada, 40-anyos na doktor, habang kasama niya naman si Saki Terada, 35-anyos.

Inirekomenda ng mga awtoridad ang pagkakaroon ng certified guide sa tuwing sasabak sa ganitong klase ng expedition. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News