Arestado ang isang lalaki matapos siyang mala-ninja na manloob sa bahay ng kaniyang kapitbahay at tumangay ng mamahaling relo na nagkakahalaga ng nasa P11,000 sa Barangay 8, Caloocan City.
Sa ulat ni Bea Pinlac sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang CCTV ng pagnanakaw ng suspek sa bahay ng kaniyang kapitbahay Miyerkoles ng madaling araw.
Tinangay ng lalaki ang mga relong nakatago sa maliit na cabinet sa itaas ng ref.
“‘Yung victim natin, mahimbing ang pagkakatulog. Then nagising na lang siya, may narinig siyang ingay sa kitchen nila. Then nakita niya 'yung suspek habang kinukuha 'yung relo,” sabi ni Police Captain Romel Caburog, Acting Chief ng Caloocan Police IDMS.
Sa bintana umano ng kusina dumaan ang suspek.
Matapos nito, humingi ng tulong ang biktima sa barangay at pulisya. Natuklasan na kapitbahay lang ng biktima ang suspek.
“Nagsabi itong victim natin upon interview rito sa opisina na kilalang kilala niya 'yun kasi nga kapitbahay talaga nila at talamak na magnanakaw talaga doon sa lugar nila,” sabi ni Caburog.
Nadakip sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang suspek malapit sa kaniyang bahay.
“Identifed naman na talaga siya through CCTV. Suot-suot niya 'yung relo na ninakaw niya sa victim natin,” sabi ni Caburog.
Inamin ng suspek ang ginawa niyang krimen.
“Para pangkain lang po namin. Sising sisi po ako, sana mapatawad niya po ako,” sabi ng suspek.
Nahaharap sa reklamong robbery ang suspek, na nakakulong sa Sangandaan Police Station. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News
