Isang pulis sa Quezon City na rumesponde sa isang insidente ng holdapan ang nasawi nang barilin siya ng suspek na kaniya pang napagtanungan. Sa Danao City, Cebu, isang pulis din ang nasawi nang barilin siya ng suspek gamit ang baril na inagaw mula sa isang security guard.
Sa ulat ni Nico Waje sa GTV News “State of the Nation” nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente sa Quezon City kaninang umaga sa Barangay Commonwealth, nang holdapin ng suspek ang isang food cart vendor.
Ayon sa pulisya, rumesponde ang nasawing pulis na si Patrolman Harwin Curtney Bagga, kasama ang isa pang pulis sa Katipunan Street. Pero pagdating sa lugar, napagtanungan ng mga pulis ang isang lalaki kung saan tumakbo ang suspek sa holdapan, pero iyon na pala ang suspek
“Hindi kasi nila identified kung sino pa yung suspek so doon po sila napalapit. Noong tumalikod na yung ating mga pulis, saka naman bumunot po itong ating suspek at pinaputukan itong ating isang patrolman,” ayon kay Police Major Hazel Asilo, spokesperson, NCRPO.
Kahit sugatan, nakapagpaputok pa umano si Bagga, ganoon din ang kasama nitong pulis at napatay nila ang suspek.
Isinugod sa ospital si Bagga pero binawian din ng buhay dahil sa tinamong tama ng bala sa balikat na tumagos sa dibdib.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng napatay na suspek.
Sugatan din sa naturang insidente ang hinoldap na biktima, at isa pang tao sa lugar.
Nakatakdang bigyan ng pagkilala ng Philippine National Police ang bayanihan ni Bagga.
Sa Danao City, Cebu naman, nasawi si Police Patrolman Mark Ornopia, matapos barilin ng suspek na nang-agaw ng baril ng isang security guard sa isang tindahan Barangay Poblacion.
Sa ulat ni Niko Serenno sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Lunes, sinabing lumabas sa imbestigasyon na rumesponde si Ornopia at isang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Pero sa kanilang pagresponde, binaril at tinamaan ng suspek sa ulo si Ornopia. Gumanti naman ng putok ang tauhan ng BJMP at napatay niya ang suspek.
“Atong tropa na si Patrolman Ornopia maoy unang nakakita niya, nakaabot niya. Mi-attempt siya nga na i-aarest sir, but naka ikyas, mao to didto na niya gipusil si Patrolman Ornopia. At the same time ang nakakuyog didto nga BJMP personnel mao toy naka-return fire sa suspek,” ayon kay Police Leiutenant Colonel Hendrix Bancoleta, hepe ng Danao City Police.-- FRJ, GMA Integrated News
