Isinailalim na sa “restricted duty” ang 15 pulis na hinihinalang may kinalaman sa kaso ng pagkawala at umano’y pagpatay sa ilang sabungero mula noong 2021 hanggang 2022, ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

“May restriction na nga sa 15 tao ng PNP na involved dito sa missing sabungero case,” pahayag ni Remulla sa mga mamamayag sa ambush interview nitong Biyernes.

Nang tanungin kung ano ang partisipasyon ng mga pulis sa naturang kaso, tugon ni Remulla, “carry out executions.” 

“Restricted duty na sila. They have to report already to offices para doon na sila. Para hindi na sila makasakit,” dagdag pa ni Remulla.

Kaugnay nito, nakipagkita kay Remulla at iba pang opisyal g DOJ ang mga pamilya ng mga nawawalang sabungero kaninang umaga.

Nangyari ang pagbisita isang araw matapos ihayag ni Remulla na maikokosidera nang suspek sa kaso ng nawawalang mga sabungero ang negosyanteng si Atong Ang at dating aktres na si Gretchen Barreto, makaraang pangalanan ni Julie "Dondon" Patidongan, alyas Totoy, na umano’y utak sa krimen.

“Ang sabi ko naman sa kanila, pumasok kami dito three years ago, the deadline was always yesterday. Laging mga problema namin, backlog lagi ang problema unang pasok pa lang namin,” sabi ni Remulla.

“Pero hindi kami tumitigil talaga. We’re not leaving any stone unturned para ma-solve natin itong mga kaso na ito,” dagdag niya.

Si Patidongan, ay isa sa mga akusado sa kaso na nais nang maging testigo. Dati siyang namamahala sa farm ng mga panabong na manok ni Ang.

Itinanggi naman ni Ang ang akusasyon ni Patidongan laban sa kaniya.

Nitong Biyernes, naglabas na rin ng pahayag si Barretto para pabulaanan ang alegasyon ni Patidongan.

Bago nito, sinabi ni Patidongan na ang mga pulis ang kumukuha sa mga sabungero na pinagdududahang nandadaya sa sabong, at pinapatay na.

Itinapon umano ang bangkay ng nasa 100 sabungero sa Taal lake na nilalagyan ng pabigat na buhangin.— mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News