Nasawi ang isang 18-anyos na lalaki matapos bumangga sa kongkretong poste ang minamaneho niyang motorsiklo sa Sison, Pangasinan.
Sa ulat ni Sendee Salvacio sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay Amagbagan.
Batay sa imbestigasyon ng mga awtoridad, residente ng Barangay Agat ang biktima, na nawalan umano ng kontrol sa minamaneho niyang motorsiklo at aksidenteng bumangga sa kongkretong poste ng ilaw na nasa gilid ng kalsada.
Inabutan na nakatiwarik ang motorsiklo at nakahandusay sa tabi nito ang biktima.
Ayon sa pulisya, walang suot na helmet ang biktima nang mangyari ang aksidente. Wala rin siyang lisensiya at nakainom din umano.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang pamilya ng biktima, ayon sa ulat.—FRJ GMA News
