Umakyat na sa lima ang iniulat na nasawi dahil sa pananalasa ng bagyong “Crising,” at epekto ng Habagat, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa impormasyon na inilabas ng NDRRMC nitong Lunes, sinabing may pito pang iniulat na nawawala.
Sa limang iniulat na nasawi, dalawa na ang na-validate ng NDRRMC at may isang nasugatan.
Umabot naman sa 800,864 katao, o 225,985 pamilya ang naapektuhan ng masamang lagay ng panahon, mula sa 1,556 barangays.
Nasa 20,115 katao o 5,921 pamilya ang nasa mga evacuation center.
Pitong landslide din ang naitala na naganap sa Region 3 (isa), Calabarzon (dalawa), Region 6 (isa), Region 7 (tatlo).
Ayon pa sa NDRRMC, 1,234 bahay ang napinsala dahil sa kalamidad — 299 ang totally damaged at 935 partially damage— sa Regions 1, 2, Calabarzon, Regions 6, 9, 100, 11, 12, Caraga, BARMM, CAR at NIR.
Tinatayang aabot naman sa P219,370,214.38 ang pinsala sa 44 mga emprastraktura sa mga lugar ng Regions 1, 6, 10, Mimaropa, at CAR.
Nitong Lunes, July 21, 2025, kinansela na ang klase at pasok sa gobyerno sa ilang lugar dahil sa mga pag-ulan.—FRJ, GMA Integrated News
