Sinuspinde ng Malacañang ang pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas, at maging ang pasok sa gobyerno sa Metro Manila at kalapit na lalawigan sa Martes, July 22, 2025 dahil sa matinding mga pag-ulan dulot ng Habagat.
Inihayag ito ni Presidential Communications Office Acting Secretary Dave Gomez, nitong Lunes, matapos na aprubahan ng Palasyo ang rekomendasyon sa naturang suspensiyon.
Una rito, inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na inirekomenda ng kaniyang tanggapan, Office of Civil Defense at mga miyembro ng Gabinete na suspindehin na ang klase sa mga paaralan at pasok sa mga tanggapan ng gobyerno sa Martes, July 22, 2025.
Ang mga lugar na walang pasok sa Martes ay ang:
- Metro Manila
- Zambales
- Bataan
- Pampanga
- Bulacan
- Cavite
- Batangas
- Rizal
- Pangasinan
- Tarlac
- Occidental Mindoro
Gayunman, tuloy naman ang operasyon sa mga ahensiya na naghahatid o nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo.
Ipinapaubaya naman sa mga pribadong kompanya kung magdedeklara rin sila ng walang pasok sa kanilang mga walang kawani.
“Para sa trabaho, nakadepende po ito sa desisyon ng mga kumpanya kung itutuloy o hindi ang pasok,” saad sa DILG post.
“Sa mga tanggapan ng gobyerno, pareho rin ang treatment—suspended ang work, pero ang mga ESSENTIAL EMPLOYEES ay kailangang pumasok. Ang iba pang opisina ay bahala na po ang head o officer-in-charge kung magtutuloy ang trabaho o hindi,” ayon kay Remulla.
Sa pagtaya ng PAGASA, may "katamtamang" posibilidad na maging isang tropical depression ang dalawang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) sa loob ng susunod na 24 oras.
Ayon sa kanilang 4 p.m. daily weather forecast, sinabi ng PAGASA na ang buntot ng LPA ay makaaapekto sa lagay ng panahon sa Cagayan Valley.
Magdudulot naman ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang Metro Manila, ang Habagat.— Mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

