Walang pasok sa mga paaralan sa lahat ng antas at trabaho sa mga sangay ng gobyerno sa National Capital Region at ilang lalawigan sa Miyerkoles, July 23, 2025, dahil sa masamang panahon.
Inihayag ito ni Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Martes batay sa inilabas na Memorandum Circular No. 90.
Ayon kay Bersamin, ang pagsuspinde ng pasok sa mga paaralan at trabaho sa gobyerno ay base sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bunsod ng mga pag-ulan na dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.
Bukod sa Metro Manila, ang mga lugar na wala ring pasok ay:
- Pangasinan
- Zambales
- Tarlac
- Bataan
- Pampanga
- Bulacan
- Cavite
- Batangas
- Rizal
- Occidental Mindoro
- Ilocos Norte
- Ilocos Sur
- La Union
- Quezon
- Oriental Mindoro
- Marinduque
- Romblon
- Masbate
- Sorsogon
- Albay
- Camarines Sur
- Catanduanes
- Palawan
- Antique
- Aklan
- Capiz
- Iloilo
- Guimaras
- Abra
- Mountain Province
- Ifugao
- Benguet
- Nueva Vizcaya
- Nueva Ecija
- Laguna
- Negros Occidental
Gayunman, may pasok at tuloy ang operasyon ng mga tanggapan ng pamahalaan na naghahatid ng basic, vital and health services, preparedness and response duties.
“Meanwhile, non-vital government employees of subject agencies and all other government employees may be engaged under approved alternate work arrangements, subject to applicable laws, rules and regulations,” ayon sa kautusan.
Nakasaad din sa memorandum na ipinapaubaya sa mga lokal na opisyal ang pagkansela sa klase at pasok sa mga tanggapan kung kinakailangan.
Ipinapaubaya rin sa mga pribadong kompanya ang desisyon kung magkakansela rin sila ng pasok para sa kanilang mga kawani. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News

