Muling kinilala ng Metro Infanta Foundation (MIF) ang mga natatanging lider at organisasyong nagsasabuhay ng pananampalataya sa pamamagitan ng konkretong pagkilos sa lipunan sa isinagawang Bishop Julio X. Labayen, OCD and Ricardo J. Cardinal Vidal Memorial Awards Night nitong Sabado.

Ginanap ang awards ceremony sa Fr. James B. Reuter, SJ Theater sa St. Paul University sa Quezon City.

Ang prestihiyosong parangal ay ipinangalan sa yumaong Obispo Julio Xavier Labayen, OCD, isang Carmelite bishop na kilala bilang pangunahing tagapagsulong ng “Church of the Poor” sa Pilipinas. 

Layunin ng parangal na ito na kilalanin ang mga indibidwal at grupo na nagtutuloy ng kanyang adbokasiya — paglilingkod sa mahihirap, pagtataguyod ng pananagutang pamumuno, at pagsasabuhay ng tunay na stewardship.

Pagkilala kay Obispo Broderick Pabillo

Ngayong taon, iginawad ang Bishop Julio X. Labayen Memorial Award kay Obispo Broderick S. Pabillo, DD, Vicar Apostolic ng Apostolic Vicariate ng Taytay, Palawan, bilang pagkilala sa kanyang tapat at matatag na paglilingkod sa Simbahan at sa mga komunidad na kanyang pinaglilingkuran.

 

Obispo Broderick S. Pabillo, ginawaran ng Bishop Julio X. Labayen Memorial Award. JAMIE SANTOS/GMA Integrated News

 

 

Ang Bishop Julio X. Labayen Memorial Award ay may kaakibat na gantimpalang salapi na nagkakahalaga ng $2,000 o hindi bababa sa P100,000. Tatanggap si Obispo Pabillo ng $500 o humigit-kumulang P28,000 para sa kanyang personal na paggamit.

Pinamumunuan ni Obispo Pabillo ang stewardship program sa kanyang bikaryato na layong paunlarin ang pananalaping kalagayan ng mga parokya tungo sa sustenabilidad. Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang pagsasabuhay ng kulturang Kristiyano ng pagbabahagi, pananagutan, at malasakit.

 

Left to right: Mila Glodova, Metro Infanta Foundation president; Most Rev. Broderick S. Pabillo, Vicar Apostolic, Apostolic Vicariate of Taytay; Rev. Fr. Francis Lucas, MIF chairman of the board. JAMIE SANTOS/GMA Integrated News

 

Mga hamon ng bikaryato

Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni Obispo Pabillo ang mga kasalukuyang hamon ng bikaryato. Bukas pa rin ang lumang katedral para sa mga misa tuwing karaniwang araw, ngunit ginagamit ang bagong katedral tuwing weekend — isang istrukturang hindi pa rin natatapos mula 2012.

Aniya, limitado ang kita mula sa turismo sa Palawan dahil sa maikling pananatili ng mga turista. Mayroon namang sariling sakahan, babuyan, at manukan ang bikaryato upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.

Ngunit higit sa lahat, kailangan nila ngayon ng suporta para sa mga katekista, pastoral programs, transportasyon, at edukasyon ng mga seminarista.

Parangal para sa Parokya ng General Nakar

Bukod kay Obispo Pabillo, iginawad din ang Cardinal Ricardo J. Vidal Memorial Award sa Saints Anne and Joachim Parish ng Prelature of Infanta, General Nakar, Quezon. Isa ito sa mga unang parokya sa bansa na nagpatupad ng St. Thomas More Stewardship Model mula Centennial, Colorado — sa pangunguna noon nina Fr. Israel Gabriel at Fr. Mario Establecida.

Paglilingkod na Lampas Infanta: Panayam kay Fr. Francis Lucas

Ayon kay Rev. Fr. Francis Lucas, chairman of the board ng MIF, ang misyon ng foundation ay hindi lamang nakatuon sa Prelature of Infanta.

Dagdag pa niya, isa sa mga matagal nang isinusulong ng foundation ay ang tunay na stewardship — pagbabahagi batay sa pusong pinagpala, hindi bilang bayad sa sakramento.

Kahit sa mga dukhang lugar gaya ng Taytay, nananatiling buhay ang kultura ng pagbibigay.

“Walang taong sobrang hirap na hindi kayang magbigay, at walang sobrang yaman na hindi puwedeng tumanggap,” dagdag ni Fr. Lucas. “Ito ay usapin ng malasakit at pakikibahagi.”

Edukasyon laban sa malnutrisyon: Isang pambansang hamon

Isa sa mga bagong prayoridad ng foundation ay ang pagtugon sa malnutrisyon sa mga kabataang Pilipino, lalo na sa unang 1,000 araw ng buhay.

“Thirty-three percent ng kabataang Pilipino ay stunted. Malaking problema ito,” pahayag ni Mila Glodova, isa sa mga tagapagtatag ng MIF. “Paano ang mga batang may talino pero hindi nabigyan ng tamang nutrisyon? Baka tuluyang mawalan ng pag-asa.”

Naniniwala ang foundation na sa pamamagitan ng edukasyon, maaaring iahon ang kabataan mula sa kahirapan.

“Ang dami nating kabataan. Kung mabibigyan ng tamang polisiya at suporta, sila ang mag-aangat sa bansa,” ani Fr. Lucas. “Nasa sweet spot ang Pilipinas — mayorya ng populasyon ay kabataan. Sayang kung hindi natin ito mapapangalagaan.”

Pagtulong at pakikibahagi

Ngayong taon, target ng MIF na makalikom ng hindi bababa sa $25,000 para sa mga prayoridad na programa ng Apostolic Vicariate of Taytay. 

Lahat ng malilikom ay idadaan sa Socio-Pastoral Institute (SPI) upang direktang mapunta sa mga proyekto.

Isa rin sa mga pangunahing proyekto ang paaralan para sa mga Dumagat sa Kasiguran, Aurora, kung saan higit P1.4 milyon na ang naipagkaloob, at patuloy pa ring nangangailangan ng karagdagang pondo.

Buhay ang diwa ni Bishop Labayen

Sa bawat proyektong sinusuportahan ng MIF — mula edukasyon kalusugan katarungan hanggang stewardship — patuloy na isinasabuhay ang diwa ng Simbahang para sa mga dukha, gaya ng ipinaglaban ni Bishop Labayen. —KG GMA Integrated News