Idineklarang winner by default si Philippine National Police chief Police General Nicolas Torre III sa ikinasa niyang charity boxing match nitong Linggo matapos na hindi dumating sa Rizal Memorial Coliseum sa Maynila ang dapat niyang katunggali na si acting Davao City mayor Sebastian "Baste" Duterte. Ang huli, nilinaw na hindi siya naghamon ng suntukan.

Ilang saglit matapos umakyat ng ring si Torre na may cloves at unipormeng pang-boksing, nagbilang ang announcer na sinabayan ng mga tao nang hanggang sampu pero hindi wala si Duterte. 

Nauna nang iniulat na bumiyahe pa-Singapore si Duterte ilang araw bago ang itinakda ni Torre na araw ng kanilang bakbakan.

Daan-daan tao ang natungo sa Rizal Memorial Coliseum para panoorin ang laban na tinawag na “Boxing for a Cause: Laban Para sa Nasalanta.”

Nag-ugat ang naturang charity boxing nang sabihin ni Duterte sa isang vlog noong July 20 na: “Kasi matapang ka [Torre] lang naman you have the position. Pero kung suntukan tayo, alam kong makaya kita. But then you're a coward.”

Kaagad na kinasahan ni Torre ang naturang pahayag ni Duterte at itinakda ang naturang suntukan na ginawa niyang boksing para makatulong sa mga nasalanta ng kalamidad.

Ngayong Linggo, sinabi ni Torre na mahigit P300,000 ang kinita sa naturang paboksing, bukod pa sa nakalap na donasyon na P16 milyon.

May mga laban na nagsilbing undercard sa Torre vs Duterte. Nagwagi si Glen Borja laban kay Christian Tulayao, habang tinalo ni Abdul Sherif Dimas sa Daniel Baltazar sa kanilang three-round matches na may tig-two minutes per round. Nanalo rin si Daryl Sobretodo laban kay Niño Basco.

Samantala, tinawag ni Torre na "fake news" ang post sa social media na pinilit umano ang mga police officers na pumunta at manood ng laban sa Rizal Memorial.

"Hindi po totoo na inobliga natin ang mga pulis na umatend sa charity boxing match. Hindi po kailangan kasi kinulang na nga kami ng ticket na maibenta di ba?" saad ng PNP chief.

Baste: Hindi kita hinamon

Sa isang post ni Duterte nitong Sabado, sinabi ng acting mayor na hindi niya hinamon ng suntukan si Torre.

“’Yun nga, kung lalaki ka talaga, suntukan tayo. Hindi naman kita hinamon. Sinabi ko talaga, kung magsuntukan tayo, mabubugbog kita. Hindi kita hinamon. Tanga. You’re just as stupid as the journalist that asked you,” ani Duterte.

Hindi umano siya makakapunta sa Rizal Memorial sa Linggo dahil “family day” niya. Handa umano siya kung magtatakda ng panibagong araw si Torre.

Inulit din ni Duterte ang kondisyon niya na hair follicle drug test sa mga opisyal gobyerno bago niya tanggapin ang laban..

“If you really just want a fight, why do you need charity? Why do you need the, do you need to use what’s happening right now with the floods in Metro Manila?” saad niya.— mula sa ulat ni Justin Kenneth Carandang/Jon Viktor Cabuenas/FRJ GMA Integrated News