Timbog ang isang 26-anyos na lalaki matapos magtangkang gahasain umano ang isang 15-anyos na dalagita na nakilala niya online sa Marikina.

Sa ulat ni Bea Pinlac sa Unang Balita nitong Lunes, sinabing isang Grade 9 student ang biktima.

“Mga four days na sila nagchat-chat. And then, nagkasundo na magkita sila. Ang sabi, babayaran siya sa sexual acts,” sabi ni Police Colonel Geoffrey Fernandez, hepe ng Marikina Police.

Batay sa pulisya, P1,000 ang unang alok ng suspek sa biktima, at may dagdag na P500 umano sa pangalawang beses na mangyayari ito.

Nasa bahay na sila ng suspek sa Barangay Malanday nang mag-umpisa nang takutin umano ng suspek ang menor de edad.

“Natakot na 'yung victim at tinutukan sa mukha ng kutsilyo,” sabi ni Fernandez.

Ngunit naudlot umano ang panghahalay matapos kumatok sa kuwarto ang kasama ng suspek sa bahay. Agad pinabihis ng suspek ang biktima na parang walang nangyari, at pinauwi ito.

Nagsumbong ang biktima sa kaniyang ina, na siya namang humingi ng tulong sa mga awtoridad.

Nadakip kalaunan ang suspek na nahaharap sa reklamong attempted rape.

“Wala po ako ibang sasabihin. 'Yung abogado ko na lang po,” sabi ng suspek. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News