Timbog ang isang babae matapos siyang maaktuhang nagbebenta ng droga habang nagsasagawa ng anti-drug operation ang mga awtoridad sa Taguig. Ang mga sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P19,000, nasabat.
Sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Martes, sinabing nagsasagawa noon ng Oplan Galugad ang pulisya nang makatanggap sila ng tip na may nagaganap na bentahan ng droga sa Barangay North Daang Hari.
Pinuntahan nila ito at naaktuhan ang mismong bentahan. Nahuli ang babaeng suspek ngunit nakatakas ang kaniyang katransaksyon.
Tinatayang tatlong gramo ang kabuuang timbang ng 25 sachet ng hinihinalang shabu, na may street value na P19,000 ayon sa pulisya.
Ayon sa suspek, pinasok niya ang kalakaran dahil sa kaniyang matinding pangangailangan.
"Kamamatay lang po ng asawa ko eh. Wala rin po akong trabaho. Sampu po ang anak ko," sabi ng babaeng suspek.
Sinabi naman ng barangay na nasa drugs watchlist nila ang suspek.
Hindi ito ang unang beses na hinuli nila ang suspek.
Patuloy ang follow-up operation ng mga awtoridad upang matukoy kung sino ang source ng droga ng suspek, na mahaharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
