Ngayon na nakahanda na ang national education roadmap sa ilalim ng Quality Basic Education Development Plan (QBEDP) 2025–2035, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara hindi na kakayanin ng kagawaran na mabawasan muli ang kanilang pondo, gaya nang ginawa noong nakaraang taon.

“So babantayan ang budget this year para hindi maulit ang nangyari last year,” sabi ni Angara sa mga mamamahayag nitong Martes.

Noong nakaraang Disyembre sa ginawang pagrepaso ng Kongreso sa 2025 budget, nadismaya si Angara nang tapyasan ng P12 bilyon ang hinihingi nilang DepEd funds sa 2025. Kasama sa tinapyas ang P10 bilyon na inilaan para sa computerization program ng kagawaran.

“Sa amin, almost P12 billion yung na-cut. Karamihan o yung bulk noon na P10 billion ay para doon sa computerization program ng Department of Education,” pahayag ni Angara, na dati pa namang chairman ng Senate finance committee na bumubusisi sa panukalang national budget.

Ayon kay Angara, maaaring makaapekto ang pagbabawas ng pondo ang mga pagsisikap nilang i- modernize ang mga silid-aralan at mabigyan ng mga digital na kagamitan ang mga mag-aaral at guro—isang mahalagang bahagi ng plano ng ahensya na pagbutihin ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa.

Sa QBEDP, magkakaroon ng 10-year vision na nakatuon sa desentralisasyon, pakikipagtulungan, at digital transformation. Ayon kay Angara, ang tagumpay ng mga reporma ay nakasalalay ngayon sa wastong pondo—lalo na sa gitna ng pagpapatupad ng internet connectivity, mga pagbabago sa kurikulum, promosyon ng mga guro, at pinalawak na TVET certification para sa mga mag-aaral.

Nitong Lunes sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA), inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na batid niya ang mga hamong kinahaharap ng sistema ng edukasyon sa bansa, kabilang ang learning poverty at kakulangan sa pasilidad.

Nangako ang pangulo na bibigyang-prayoridad ang mga reporma at pinagtibay ang hangarin ng pamahalaan na dagdagan ang suporta para sa mga guro, pag-upgrade ng kurikulum, at digital tools. — Mula sa ulat ni Sheryln Untalan/FRJ GMA Integrated News