Nasawi ang isang 34-anyos na disc jockey o DJ matapos siyang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa loob ng kaniyang sasakyan sa Pamplona Uno, Las Piñas City.

Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood sa CCTV camera na magpapagasolina ang biktima sakay ng kaniyang pickup truck dakong 10:00 p.m. nitong Miyerkoles.

Ilang saglit lang, huminto ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo, bumaba ang angkas nito at malapitang pinagbabaril ang biktima habang nasa loob ng sasakyan.

Kaagad na tumakas ang mga salarin, habang umabante ang pickup truck bago bumangga sa pader ng gasolinahan.

Isunugod sa ospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival.

Lumalabas sa imbestigasyon na tumutugtog sa iba't ibang club at bar ang biktima na isang freelance disc jockey o DJ.

Ayon sa pulisya, may nakitang hawak na isang sachet na hinihinalang may laman na illegal na droga ang biktima.

“Before dalhin ‘yung biktima sa hospital, nu’ng in-extract na siya, nagkataon meron siyang hawak na siya sachet na may powderized substance. So suspected, maybe illegal drugs,” ayon kay Police Colonel Sandro Tafalla, Chief of Police ng Las Piñas City Police Station.

Ayon pa sa pulisya, ilang sa sachet din ng hinihinalang illegal na droga ang nakita sa kaniyang bag. Malaki umano ang posibilidad na may kaugnayan sa droga ang ugat ng pagpaslang sa biktima.

“‘Yun ang tinitingin natin na maaaring galing sa bahay, papunta rito hanggang siya ay sundan at abangan at pagbabarilin. Mukhang .45 ‘yung cartridge cases niya. But still, kailangan pa mag-undergo ng forensic,” sabi ni Tafalla.

Ayon sa ina ng biktima na tumangging humarap sa camera, kauuwi lang ng kaniyang anak galing sa Malaysia. Palaisipan din sa kaniya kung sino ang pumatay sa kaniyang anak.

Patuloy ang pagsasagawa ng backtracking at hot pursuit operations ng pulisya para madakip ang mga salarin. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News