Sirang pinto at charge cart cabinet ang bumungad sa mga guro ng isang paaralan sa Sta. Ana, Manila nang magbalik-eskwela sila nitong Martes.
'Yan ay matapos manalasa ang habagat at mga nagdaang bagyo noong nakaraang linggo.
Nilooban daw ang senior high school faculty at natangay ang mga gadget sa loob nito.
Ang utak umano ng krimen, dalawang binatilyo na edad labinlima at labing pito.
Ayon sa pulisya, natangay nila ang mahigit tatlumpung laptop na inisyu ng DepEd na nagkakahalaga ng halos 1.2 million pesos.
Agad namang nahuli sa follow-up operation ang dalawang binatilyo kasama ang tatlo pang lalaki na pawang kasabwat. Sila umano ang nagsilbing ahente na nag dispose sa mga laptop sa halagang 1,000 hanggang 2,000 pesos ang bawat isa.
Pero pitong laptop na lamang ang narekober ng mga pulis.
Tinitingnan ngayon ng mga awtoridad ang anggulo na inside job dahil alam ng mga suspek kung anong kwarto ang papasukin nila.
Aminado naman ang tatlong suspek sa krimen pero iginiit na ang dalawang menor de edad ang mastermind.
Mahaharap sila sa reklamong robbery habang dadalhin sa kustodiya ng dswd ang dalawang menor de edad. —VAL GMA Integrated News
