Sa kulungan ang bagsak ng isang 21-anyos na construction worker dahil sa panghahalay umano sa isang menor de edad sa Quezon City. Ang biktima, nabuntis.

Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing subject ang akusado ng arrest warrant na dala ng pulisya para sa tatlong count ng statutory rape.

Lumabas sa imbestigasyon na naganap ang krimen noong Enero ng nakaraang taon kung saan kilala ng 13-anyos na babae ang akusado.

“Inimbitahan siya noong birthday ng suspek papunta sa bahay nila, doon ang unang panghahalay. Nasundan ito ng pangalawa noong January 16, 2024. Bale inimbitahan siya ng suspek dahil may regalo sa kaniya. ‘Yung pangatlo, hindi na namin nalaman kung kailan. Pero dahil nabuntis na po 'yung biktima, kaya nalaman ng parents niya, doon na po nagreklamo,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, Commander ng La Loma Police Station.

Ang lalaki ay ikaapat sa Most Wanted Persons List ng Quezon City Police District, at una sa listahan ng La Loma Police Station.

Kalalaya lamang ng lalaki noong Abril na nabilanggo dahil sa pagsusugal.

Itinanggi ng akusado ang alegasyong panghahalay.

Nakapag-return of warrant na ng pulisya, na hinihintay na lamang ang commitment order mula sa korte. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News