Isinugod sa ospital ang tatlong estudyante na nabagsak ng tipak ng semento na natapyas mula sa isang condominium building na nasa panulukan ng Tomas Morato at Roces Avenue sa Quezon City nitong Martes ng hapon.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras," sinabing nasa malubhang kalagayan ang dalawa sa tatlong bata na edad 12-anyos na naglalakad sa lugar nang mangyari ang insidente.
Nagtamo ng matinding sugat sa ulo ang dalawa na inabutan ng mga rescuer na nakahandusay sa gilid ng bangketa.
Isinugod sila sa pinakamalapit na ospital.
Nananawagan ng tulong at dasal ang magulang ng mga bata gayundin sa pananagutan sa may-ari ng gusali.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na makuha ang pahayag ng pamunuan ng gusali ngunit wala pa silang tugon.
????????????????????????: Nananatiling “unconscious” ang 1 sa 3 estudyante na nabagsakan ng debris mula sa isang condominium sa QC; nananawagan ng tulong ang pamilya ng isa sa mga biktima
— DZBB Super Radyo (@dzbb) August 12, 2025
Dumating na rin ang building official mula sa QC LGU para suriin ang gusali | via @glenjuego pic.twitter.com/irEpEFKLF6
Sa hiwalay na ulat ni Glen Juego sa Super Radyo DZBB, sinabi na mga high school students ang mga biktima.
Nananatiling “unconscious” umano ang isa sa tatlong biktima, batay na rin sa pahayag ng mga magulang nito.
Samantalang may malay naman ang isa pang biktima, habang sa braso naman ang tinamong sugat ng isa pang biktima. -- FRJGMA Integrated News
