Naaresto ng mga pulis ang isang 24-anyos na babae matapos niyang tangayin at ipatubos ang tatlong-taong-gulang na anak ng kaniyang amo sa Quezon City. Ang suspek, idinahilan na kailangan niya ng perang pambayad sa mga utang kaya nagawa niya ang krimen

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News “Unang Balita” nitong Miyerkoles, sinabi ng pulisya na Linggo ng gabi nang isama ng suspek ang bata para pumunta sa kabilang bahay upang kumuha ng gamot.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Rolando Baula, commander ng Masambong Police Station, halos dalawang taon nang naninilbihan ang suspek sa pamilya ng biktima kaya nagtiwala ang amo.

Pero hindi na bumalik sa bahay ang kasambahay, at dala niya ang bata.

Kinalaunan, nagpadala ng mensahe ang suspek sa pamilya ng biktima na humihingi ng P150,000.00 kapalit ng pagsasauli sa bata.

Ikinasa ang operasyon sa Fernado Poe Jr. Avenue kung saan naaresto ang suspek, at nabawi rin ang bata.

Nakuha rin sa suspek ang bag na may pera na ginamit sa operasyon sa pagtubos sa bata.

Inamin ng suspek ang krimen na nagawa daw niya dahil sinisingil na siya ng mga pinagkakautangan niya matapos siyang maoperahan.

Mahaharap ang suspek sa reklamong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code of the Philippines kaugnay ng kidnapping for ransom. – FRJ GMA Integrated News