Tuluyan nang sinibak sa trabaho ang dating Bulacan first district engineer na si Henry Alcantara ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y mga anomalya sa flood control projects sa nabanggit na lalawigan.

Inihayag ito ni DPWH Secretary Vince Dizon nitong Huwebes nang puntahan niya ang flood control project sa Barangay Sipat, Plaridel, Bulacan.

“He is now dismissed. I will call for summary dismissal of Henry Alcantara,” sabi ni Dizon sa mga mamamahayag.

Ayon pa sa kalihim, kakausapin niya ang DPWH Legal Service para irekomenda na kasuhan si Alcantara sa Office of the Ombudsman sa susunod na linggo.

"Next week, I will ask the DPWH Legal to recommend filing of appropriate charges against Henry Alcantara. Well, obviously, criminal ito. Pagnanakaw ito e, P100 million... We will recommend filing of charges with the Ombudsman,” ani Dizon.

Sa nakaraang pagdinig sa Kamara nitong Martes, inamin ni Alcantara na naglabas siya ng certificate of completion para sa P55 million flood control project sa Baliwag, Bulacan na lumitaw na isang ghost project. 

Idinahilan ni Alcantara na ibinase niya ito sa report ng kaniyang mga tauhan na sumuri sa proyekto.

"The attachment of the certificate of completion is based on the certificate of final inspection conducted by the team,” ani Alcantara.

Inamin din ni Alcantara sa isang pagdinig sa Kamara na nagka-casino siya at gumagamit ng pekeng ID para makapasok.

Sa kabila ito ng kautusan sa ilalim ng Administrative Code of 1987 na bawal mag-casino ang mga taga-gobyerno.

Sa panahon ng pagiging 1st district engineer sa Bulacan, sakop ni Alcantara ang 13 lugar sa lalawigan, kabilang ang mga madalas na bahain na Hagonoy, Baliwag, Calumpit, at Malolos. 

Mula 2022 hanggang 2025, umabot sa P28.9 bilyon ang pondong inilaan para sa 450 flood control projects sa kaniyang tanggapan, ang pinakamalaki sa bawat distrito ng DPWH.

Kaugnay nito, sinabi ni Dizon na sinisimulan na rin ang proseso para sa gagawing pagsibak kina Brice Hernandez at Jaypee Mendoza, na nagsisilbi rin sa Bulacan district engineering office.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News