Inamin ni dating Bulacan 1st assistant district engineer Brice Hernandez na “substandard” at hindi natutupad ang plano sa lahat ng proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa kanilang engineering office sa Bulacan. Kabilang na sa mga proyekto ang mga flood control project.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate blue ribbon committee nitong Martes, sinabi ni Hernandez na hindi nakakamit ng lahat ng infrastructure projects sa kaniyang nasasakupan mula noong 2019 ang kinakailangang standards dahil sa kanilang mga “obligasyon” para sa mga naglalaan ng pondo o proponents.

“Lahat po ito may obligasyon na kailangan itago…Hindi po name-meet ‘yung eksaktong nasa plano, your Honor,” tugon ni Hernandez sa mga tanong ni Senador Bam Aquino.

Kabilang umano sa mga proyektong ito ang mga flood control, gusali, kalsada, at maging mga silid-aralan.

“So may plano ang DPWH, merong budget ‘yan, pero dahil ang budget pinaghahati-hatian ninyo, sa dulo, walang project na maayos na dumaan sa inyo—’yan ang testimony mo ngayon,” tanong ni Aquino.

Sinang-ayunan naman ito ni Hernandez.

Nang tanungin kung may nagawa ba silang proyekto na maayos at walang kinuhanan ng porsiyento sa pondo, sabi ni Hernandez, “Wala po (none), Your Honor.”

Ayon kay Hernandez, naging substandard projects ang kanilang mga proyekto nang maging dumating sa kanilang tanggapan si Bulacan first district engineer Henry Alcantara noong 2019 hanggang sa maalis ito sa puwesto kamakailan dahil sa anomalya sa flood control projects.

“Wala pong tumama kung anong naka-specify sa plano. Hindi po na-meet lahat ‘yun. Lahat po [may porsyentuhan],” dagdag niya. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News