Pasok na sa semifinals ng Jingshan Tennis Open si Alexandra "Alex" Eala matapos talunin si Jia-Jing Lu ng China sa kanilang quarterfinal match, 6-4, 6-1, nitong Biyernes sa nabanggit na bansa.

Naging mabagal ang simula ng laro ng 20-anyos na si Eala at naungusan sa iskor na 2-4 sa unang set. Gayunpaman, bumawi ang Filipina tennis ace at winalis ang apat na sunod na laro upang makuha ang unang set, 6-4.

Sinubukang makabawi ng 35-anyos na si Lu sa pamamagitan ng pagkuha ng unang laro sa ikalawang set. Ngunit agad na tumugon si Eala, na kasalukuyang world No. 58, at tinapos ang laban sa pamamagitan ng anim na sunod na panalo para sa isang straight sets victory.

Bago ang kaniyang panalo sa quarterfinals, tinalo ni Eala si Aliona Falei ng Belarus sa Round of 32 at si Mei Yamaguchi ng Japan sa Round of 16.

Makakaharap ni Eala sa semifinals ang pamilyar na kalaban na si Lulu Sun mula New Zealand, na nakaharap na rin niya sa third round ng Wimbledon qualifiers noong nakaraang taon.—FRJ GMA Integrated News