Nasawi ang isang 33-anyos na lalaki matapos siyang pagbabaril ng riding in tandem sa Katipunan Avenue sa Quezon City kaninang umaga.

Sa ulat ni James Agustin sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, inihayag umano ng mga opisyal ng barangay na dakong 6:00 am nang makatanggap sila ng tawag na may taong pinagbabaril sa lugar.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa balakang at batok ang biktima na kaagad nasawi sa pinangyarihan ng krimen.

Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na sakay ng kaniyang motorsiklo ang biktima nang tabihan ng mga salarin nang tumigil.

Inagaw ng mga salarin ang motorsiklo ng biktima at saka siya binaril.

Tumakas patungo sa direksyon ng Commonwealth Avenue ang mga salarin.

Sinusuri na ng mga awtoridad ang mga CCTV camera sa lugar na posibleng makatulong sa imbestigasyon. – FRJ GMA Integrated News