Nabalot ng pangamba ang ilang empleyado na na-trap sa ilang gusali sa Cebu City habang nagbabagsakan ang mga debris nang yumanig ang Magnitude 6.9 na lindol sa malaking parte ng Visayas nitong Martes ng gabi.
Sa video ni Jayford Maranga, na mapanonood sa GMA Integrated Newsfeed, maririnig ang dasal ng isang staff sa isang mall habang nakakubli sa ilalim ng mesa samantalang nagbabagsakan ang mga bakal at malalaking tipak ng semento mula sa kisame.
“Lord please, send some help, Lord,” anang staff, na nasa ika-apat na palapag noon ng gusali.
Sa ulat ng GMA Regional TV, mapanonood ang video ni Roi Tasil Tolorio, na na-stranded ang ilan ding empleyado sa ika-16 palapag naman ng isang gusali sa Cebu City pa rin.
Nawalan din ng supply ng kuryente sa gitna ng lindol.
Sa Barangay Sawang Calero naman, napatigil ang mga residente matapos nilang maramdaman ang pagyanig. Marami sa kanila ang nagtakbuhan at naghanap ng mapagtataguan, na mapanonood sa video ni Pres Racho.
Hindi rin naiwasan ng mga tao na magsigawan habang nasa night market sa Colon Street, na iniulat ng DYSS Super Radyo Cebu City.
Halos tumilapon naman ang mga nakamotorsiklo sa isang tulay sa pagitan ng Cebu City at Mandaue City.
Dahil dito, bumaba ang mga rider at isa ang kumapit sa railings ng tulay, pati na rin ang isang naglalakad sa gilid, batay sa video na nakalap mula sa CWMworks Aerials.
Labis din ang pagkasira ng ilang simbahan sa Bogo City, kasama na ang isang simbahan sa Daanbantayan, batay sa video ni Vince Sylvan Toring na nakalap ng DYSS Super Radyo GMA.
Nadama rin ang mga pagyanig sa iba pang parte ng Visayas, batay sa kuha ni Laisa Monika na nasa Talisay City.
Sa Iloilo naman, makikita ang pagbagsak ng tubig galing sa pool ng isang gusali, ayon sa video na nakalap ng GMA Super Radyo Iloilo.
Naramdaman din ang pagyanig sa ibang parte ng Southern Luzon at ilang lugar sa Mindanao.
Naitala ang sentro ng pagyanig sa Bogo City.
Noong 9 a.m. nitong Oktubre 1, umabot na sa 379 ang bilang ng aftershocks, kung saan Magnitude 4.8 ang pinakamalakas sa mga ito.
Pinag-iingat ang publiko, lalo ang mga nasa bahay at gusali na nagtamo ng mga bitak at pinsala.
Umabot na sa 63 katao ang nasawi sa lindol, ayon sa Department of Health (DOH). -- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
