Kumilos ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno para tulungan ang mga nasalanta ng magnitude 6.9 na lindol na pinakanapuruhan ang Bogo, Cebu na naging epicenter ng pagyanig oong Martes.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GTV News Balitanghali nitong Huwebes, inihayag ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian, na nakahanda ang mga ipamimigay na food packs para sa mga pamilya na naapektuhan ng lindol.
“We assured the local chief executives that the national government, all of us, pati DSWD is ready to help. In fact, as we speak, we have 300,000 family food packs in Cebu already. Nakapre-position na iyon,” sabi ni Gatchalian.
In-activate naman ng Department of Energy ang task force upang maibalik ang suplay ng kuryente sa mga naapektuhang lugar, habang nagpadala naman ng apat na team ang Department of Health para rumesponde sa pangailangan ng mga nilindol.
May P500 milyon na quick response fund umano ang DOH ngunit nabawasan na ito sa mga nagdaang kalamidad. Posibleng hindi na umano sumapat dahil sabay na tinutulungan ng DOH ang Cebu at ang Masbate na sinalanta naman ng bagyo.
“We have allocated P200M from 2024, P300M from 2025. Pero sa dami ng mga nakaraang mga disaster at calamity, P166M na lang po ‘yung nasa QRF na magagamit ko ngayon dito sa 2 responses na kailangan natin, ‘yung sa Masbate at sa Bogo. So malamang manghihingi ako kay Secretary Pangandaman (ng Department of Budat) ng additional specially for Bogo,” sabi ni DOH Secretary Ted Herbosa.
Gayunman, hindi pa masabi ng DOH kung gaano kalaki ang hihingin nilang dagdag na pondo sa DBM.
Inutusan din ni Herbosa ang PhilHealth na sagutin ang gastusin sa pagpapagamot ng mga biktima ng lindol sa lahat ng ospital.
“If hirap na hirap talaga ‘yung LGU, iti-takeover namin ‘yung provincial and then we will get our teams from the 83 hospitals to help support essential services. Now that you reminded me, I will be sending and deploying mental health psychosocial team from our national center for mental health,” sabi ng kalihim.
“Mayroon na kaming specific team na mapapadala. So the key is mobilizing them. Yun ang mahirap ma'am. Sometimes we have to coordinate with the Office of Civil Defense. We will coordinate the C130 that will bring our team there,” dagdag niya.
Ayon pa kay Herbosa, “But the resources are available. We also have a stockpile for health emergencies. It's based in Pampanga, in Clark. So we have a stockpile of all the medicines needed for the common disasters."
Sa isa namang pahayag, iniutos ni National Housing Authority (NHA) General Manager Joeben Tai, ang rapid assessment sa NHA projects sa Region 6, 7, at 8, at mga bahay na naipagkaloob na sa mga benepisaryo sa Cebu kasunod ng pagtama ng lindol.
“Kasalukuyan po ang aming [NHA] ay may koordinasyon sa mga regional offices, homeowner associations, at sa mga local government units ng lugar upang masiguro namin na angkop at mabilis ang gagawin naming pagtulong sa aming housing beneficiaries na lubos na naapektuhan ng lindol,” anang opisyal ng NHA.
Batay sa paunang impormasyon ng ahensya, 34 na housing units na iginawad ng NHA ang nasira na bahagi ng Yolanda Permanent Housing Projetcs na nasa Bogo City. Wala namang nasawing residente sa nabanggit na mga housing unit.
Sakop pa umano ng structural defects liability clause ang mga napinsalang unit na maaaring ayusin ng mga kontratistang gumawa sa mga ito.
Aalamin din sa NHA region 7 kung may mga benepisasyo na maaaring bigyan ng pinansiyal na tulong sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims (HAPCV) at Emergency Housing Assistance Program (EHAP) ng ahensya.
Puspusan din ang trabaho ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para madaanan ang mga napinsalang kalsada at naalis ang mga nakaharang na mga bato at lupa.
Bukod pa sa pagtulong sa rescue at retrieval operation sa mga biktima, pagsusuri sa kaligtasan ng mga gusali at mga empraestruktura, at pagsasaayos sa mga napinsalang ospital para maibalik sa normal ang kanilang operasyon upang gamutin ang mga biktima. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
