Nasawi matapos barilin nang malapitan habang kumakain sa loob ng kaniyang bahay ang isang lalaki sa Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Nico Waje sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, makikita sa CCTV footage na pumasok sa bahay ang isang suspek na armado ng baril at pinaputukan ang biktima habang kumakain sa Aroma compound.

Patay ang 36-anyos na biktima, habang nakatakas naman ang suspek na mayroon pa umanong ibang kasamahan.

Ayon kay Police Major Philipp Ines, spokesperson ng Manila Police District, away sa ilegal na aktibidad gaya ng tampering sa tubig, kuryente at iba pa ang motibo umano sa krimen.

Sa backtracking na isinagawa ng mga awtoridad, natunton ng mga pulis ang mga suspek sa Aroma compound din at naaresto ang isa sa tatlong suspek,

Kilala na rin umano ng mga pulis ang dalawa pang suspek na gunman at lookout na patuloy na hinahanap.

Itinanggi naman ng naarestong suspek na may kinalaman siya sa krimen. – FRJ GMA Integrated News