Patay ang isang 10-anyos na batang babae matapos siyang ma-trap sa kanilang bahay nang sumiklab ang isang sunog sa isang compound sa Barangay 127, Pasay City.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nangyari ang sunog sa Mendoza Compound pasado 11 p.m.
Nagtulong-tulong at nagpasa-pasahan ang mga residente ng mga timbang may tubig na kanilang ibinabagsak papunta sa isang truck ng bumbero, upang hindi maubusan ng supply ng tubig ng truck.
Sinabi ng Bureau of Fire Protection na mabilis na inakyat sa third alarm ang sunog dahil dikit-dikit at gawa sa light materials ang mga bahay.
Naapula ang sunog dakong 12:22 a.m.
Gayunman, nasawi ang 10-anyos na biktima, na na-trap sa bahay habang natutulog, ayon sa barangay.
Wala rin sa kanilang tahanan ang kaniyang ina, na nagtitinda noong mga oras na iyon.
Pansamantalang manunuluyan ang mga residenteng nasunugan sa Barangay 127 sa covered court ng Juan Sumulong Elementary School.
Sinabi ng barangay na papunta na ang mga modular tent na manggagaling sa lokal na pamahalaan para magamit ng mga apektadong residente.
Sinabi ng barangay na nasa 70 pamilya o mahigit 400 indibiduwal ang apektado ng sunog.
Dagdag nila, tinitignan pa kung sa ikalawang palapag ng isang bahay nagsimula ang sunog kung saan isang 2-anyos na bata ang nailigtas ng mga residente.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng BFP tungkol sa sanhi ng apoy. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
