Inihayag ng Department of Transportation (DOTr) ngayong Lunes na pinatawan nila ng 90-day suspension ang lisensiya sa pagmamaneho ng SUV driver na nahuli-cam na nanakit umano ng isang bus driver sa Silang, Cavite.
Ayon sa DOTr, nag-ugat ang sigalot matapos na magkasagian ang dalawang sasakyan sa Aguinaldo Highway, na nauwi sa pagtulak at panununtok umano ng SUV driver sa driver ng bus.
"Hindi tayo hihinto sa pagsuspinde ng lisensya ng mga driver na sangkot sa road rage,” sabi ni acting Transportation Secretary Giovanni Lopez sa isang pahayag.
“Lalo na sa insidenteng ito, kitang-kita sa video kung paano niya sinaktan ‘yung matandang driver. Hindi natin palalampasin ang ganiyang mga maling asal,” dagdag niya.
Ayon sa DOTr, ang pagsamantalang pagsuspinde sa driver’s license ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga abusadong driver.
Samantala, ipatatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang SUV driver para pagpaliwanagin kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng reckless driving at kung bakit hindi dapat tuluyang kanselahin ang kaniyang lisensiya.-- mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ GMA Integrated News
