Nasawi ang isang construction worker, at tatlong iba pa ang sugatan nang magkaroon ng aksidente sa isang ginagawang gusali sa Bonifacio Global City, Taguig City nitong Lunes ng umaga, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Batay sa isang police report, nakasaad na nangyari ang insidente dakong 11:10 am habang naglalagay ang mga tauhan ng rebars nang mangyari ang insidente at nadaganan ang mga biktima sa Basement 2 ng construction site sa 34th Street.
Dinala ang mga biktima sa St. Luke’s Medical Center pero hindi pinalad na mabuhay ang isa sa kanila, ayon sa pulisya.
Construction worker, patay, tatlong iba pa ang sugatan sa akisdente sa isang itinatayong gusali sa BGC- Taguig City; sanhi ng insidente, iniimbestigahan pa.
— DZBB Super Radyo (@dzbb) October 20, 2025
????@dzbbsamnielsen pic.twitter.com/Ba9s9Y1hq7
Sa ulat ni Sam Nielsen sa Super Radyo dzBB, sinabi ng pulisya na nagtatayo sana ng poste sa site nang lugar nang mangyari ang pagguho.
Ayon sa area manager sa construction site na si Herley Tagatac, mga steel man ang mga biktima at nagkakabit ang mga ito ng bakal nang mangyari ang insidente,
Sasagutin umano ng kompanya ang gastusin sa ospital ng mga biktima.
Pansamantala rin umanong itinigil ang trabaho sa lugar habang nagsasagawa ng imbestigasyon upang malaman ang ugat ng insidente. – Joviland Rita /FRJ GMA Integrated News

