Nasawi ang isang driver matapos na bumangga ang minamanehong truck sa isang poste ng Skyway sa Quezon City. Ang biktima at kaniyang pahinante, hindi kaagad nailabas ng sasakyan matapos na maipit.

Sa ulat ni James Agustin sa GTV News Balitanghali nitong Miyerkoles, sinabing inabutan ng mga rescuer at tauhan ng Barangay Santol ang driver na nakaipit pa ang binti sa kaniyang truck sa bahagi ng Araneta Avenue pasado 10 p.m.

Hindi rin kaagad nailabas ang kaniyang pahinante sa sasakyan kaya gumamit na ng extrication tools ang mga rescuer.

Ilang saglit pa, maingat na inilabas ang pahinante at binuhat para maisakay sa stretcher. Sunod namang nailabas ang driver sa kabilang pintuan ng sasakyan.

“Hindi sila mailabas agad. So, kailangan ginamitan pa sila ng equipment para mabuksan 'yung parehong pinto dahil 'yung harapan ng sasakyan talagang dikit doon sa poste. So, 'yung kaniyang lower part ng katawan hindi mailalabas,” sabi ni Kagawad Maricone Borja ng Barangay Santol.

Isinugod sa ospital ang dalawa pero nasawi kalaunan ang driver, ayon sa District Traffic Enforcement Unit ng QCPD.

Inaalam pa ng mga awtoridad ang dahilan ng aksidente.

“May sugat si pahinante pero bandang kanang binti niya ang may hiwa na nakita ko. Si driver naman ang tama niya sa right side din ng kaniyang ulo,” sabi ni Borja.

Sira ang harapan ng tractor head at nabasag ang windshield sa lakas ng pagkakabangga sa poste ng Skyway. Nagkalat din ang mga bubog sa kalsada. Nahatak naman ang truck paalis sa lugar dakong 12 a.m.—Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News