Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na imbestigahan ang mga flood control project sa Cebu matapos malubog sa baha ang lalawigan dahil sa ulan na dala ng bagyong “Tino.”
Sa Palace press briefing nitong Miyerkoles, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na batay sa datos mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mayroong 343 flood control projects na ginawa sa lalawigan mula 2016 hanggang 2022, at 168 proyekto mula 2023 hanggang 2025.
Ayon kay Castro, dalawa sa 343 flood control projects ang ibinasura, habang 55 sa 168 proyekto naman ang patuloy na ginagawa.
“Iyan po ang dahilan kung bakit po nagpapaimbestiga ang Pangulong Marcos Jr. dahil nakita niya po iyong epekto, may mga budget na inilaan para dito pero parang hindi gumagana,” ani Castro.
Nanawagan si Castro kay Cebu Governor Pamela Baricuatro na tulungan ang national government sa pagsisiyasat sa flood control projects sa kaniyang lalawigan.
“Kaya mas maganda po, kung siya po ay nagagalit, ‘yan din po ang nararamdaman ng Pangulong Marcos Jr. At kung mayroon pa po siyang mga alam, mga facts, mga data po si Governor para dito na mas makakatulong sa ating gobyerno para mapanagot, ‘yan po ay welcome,” dagdag ni Castro.
Una rito, nag-post sa social media si Baricuatro ng kaniyang sama ng loob sa nakitang resulta ng hagupit ni Tino na nagpalubog sa tubig sa maraming bahagi ng lalawigan.
“P26 billion in flood control funds for Cebu yet we are flooded to the max,” saad niya sa Facebook post nitong Martes.
Nanawagan din ang gobernadora ng pagsusuri sa mga flood control projects sa lalawigan kasunod ng mga ulat na may mga lugar na binaha pa rin kahit may ginawang proyekto na pangontra sa baha.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na bibisita si Marcos sa Cebu upang suriin ang pinsala ng bagyo sa lalawigan.
“Ang Pangulo po ay handang tumulong kahit kanino. Basta po kinakailangan ng tulong ng gobyerno, kahit ano po,” ani Castro.
Sa mga lumabas na ulat, makikita ang matinding epekto ni Tino sa Cebu na maraming bahay na umabot sa bubungan at second floor ang taas ng tubig, at maraming sasakyan ang nalubog sa tubig.
Tinatayang aabot sa 48 katao ang nasawi sa Cebu dahil kay Tino, na itinuturing isa sa pinakamapaminsalang bagyo na tumama sa lalawigan. — mula sa ulat ni Jiselle Anne C. Casucian/FRJ GMA Integrated News
