Magsasagawa ng tatlong araw na pagtitipon ang religious group na Iglesia ni Cristo (INC) sa Rizal Park sa Manila mula November 16 hanggang 18.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), inaasahan na aabot sa 300,000 tao ang dadalo sa pagtitipon.

“Base po sa inisyal na binigay po ng intelligence unit ng [Directorate for Operations], ang number na binigay nila, original ho ay 300,000,” sabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Randulf Tuaño sa press briefing nitong Miyerkoles.

Gayunman, sinabi ni Tuaño na paunang pagtaya lamang ang ibinigay na bilang ng mga posibleng dumalo.

Magkakaroon umano ng pagpupulong ang mga kinauukulang police units ngayong hapon para pag-usapan ang paghahanda sa naturang pagtitipon.

Ayon pa kya Tuaño, nangako ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng paunang 9,829 personnel na magbabantay sa rally. 

Maglalaan naman ang Manila City government ng 14 na ambulansiya sa lugar.

Sinabi ni Tuaño, na isang "religious rally” ang gagawing pagtitipon at hindi "political rally." 

Noong nakaraang Enero, nagdaos ng National Rally for Peace ang INC sa Quirino Grandstand sa Manila, na ayon sa PNP ay umabot sa isang milyong tao ang dumalo.— mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News