Isang negosyante ang nawalan ng ?200,000 cash at mga gamit matapos mabiktima ng tinatawag na ‘gold scam’ sa Caloocan.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkoles, ikinuwento ng biktima na itinago sa pangalang “Jessie,” na inakala niyang totoong mga nagbebenta ng alahas ang mga nakatransaksyon niya sa social media dahil nagpapakita ang mga ito ng gintong alahas kapag naka-video call sila.
Noong October 17, tatagpuin sana ng biktima ang suspek na bibilhan nila ng alahas na si alias “Nena.” Pero apat na armadong lalaki umano ang sumipot sa lugar at nagpakilalang mga pulis.
"Ang sigaw nila… ‘mga pulis kami ano transaksyon niyo [rito]? Mga pulis kami.’ Tapos pinadapa na po kami. 'Yung kasama ko tinuktukan sa ulo ng baril 'tapos ako tinulak po ako noon kasi ayoko ko pong dumapa eh,” ayon kay Jessie.
Kinuha umano ng mga suspek ang P200,000 cash na dala niya para ibayad sana sa bibilhin niyang mga gintong alahas.
Ayon sa pulisya, ibang miyembro ng grupo sa “Gold Scam” ang nakikipagtransaksiyon sa kanilang bibiktima, at iba rin ang manghoholdap.
Nahuli kinalaunan ng mga pulis ang suspek na si Nena, na dati nang may arrest warrant para sa ibang kinakaharap na kaso kaya siya inaresto noong October 24.
Natukoy na rin umano ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng iba pang suspek at patuloy na hinahanap.
Nahihikayat umano ng grupo ang kanilang bibiktimahin na makipagtransaksyon dahil sa alok na murang halaga sa mga kunwaring ibebentang alahas, ayon sa pulisya.—FRJ GMA Integrated News