Hinuli ng sanib-puwersa ng mga awtoridad ang dalawang Chinese na sangkot umano sa mga online scam sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay City.

Sa ulat ni John Consulta sa Unang Balita nitong Huwebes, mapanonood ang pagsalakay ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group, Department of Justice at Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit sa isang condominium dala ang isang mission order.

Pagbukas nila ng pinto, pumasok na ang mga operatiba at dinakip ang isang Chinese na nasa kalagitnaan ng pagsasagawa ng crypto-scamming modus sa kaniyang computer.

Tumambad pa ang drug paraphernalia na may lamang hinihinalang liquid ecstasy sa kaniyang lamesa.

Sa hiwalay na operasyon, dinakip din ng Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation - Organized and Transnational Crime Division at Department of Information and Communications Technology ang isa pang Chinese na sangkot naman umano sa online panloloko.

Tumambad sa computer ng mga dayuhan ang mga script at software ng sindikato na kanilang ginagamit sa cryptocurrency scam.

“Dito nila mini-mentor kunwari ‘yung kanilang mga biktima upang mag-invest sa kanilang cryptocurrency platform. Papakitaan nila na kumikita, kunwari ‘yung kanilang biktima. Ngunit ang pinapakita lamang nila sa kanilang biktima ay mga pekeng platform ng cryptocurrency,” sabi ni Rendel Sy, Chief ng BI - FSU.

Natuklasan ng BI - FSU na overstaying ang dalawang inarestong Chinese sa bansa. Kabilang na sa kanilang mga naloko ang mga dayuhan at mga Pilipino.

“Kinumpiska ng NBI at ng DICT upang applyan ng cyber warrant itong mga device na nakuha natin sa area upang malaman natin kung sino ‘yung mga nabiktima dito,” sabi ni Sy.

Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang mga inarestong dayuhan na nakakulong na sa detention facility ng BI sa Bicutan. — Jamil Santos/RSJ GMA Integrated News