Ilang lugar sa Luzon, Visayas, at Bicol region ang unang makararanas ng epekto ng bagyong "Uwan" na may posibilidad na maging super typhoon kapag pumasok na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado.

“Ang pagtaya po natin sa darating na Sabado (Nov. 8), once na pumasok na ito ng ating PAR at binigyan nga ng local name ng 'Uwan,' ang unang makararamdam ng epekto ay itong mga lalawigan sa silangang bahagi ng Luzon at Visayas, itong Bicol region, eastern Visayas at maging itong lalawigan ng Cagayan, Isabela at Aurora,” sabi ni Chris Perez, Assistant Weather Services Chief ng PAGASA sa panayam sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes.

“Then Sabado ng tanghali hanggang Linggo ng tanghali of course magiging mas marami ‘yung pag-ulan, ‘yung mga more than 200 mm of rain sa nakararaming bahagi po ng northern Luzon at ilang bahagi rin ng central Luzon,” dagdag pa ni Perez.

Dahil dito, inaasahan din ang mga pag-ulan sa Metro Manila at ilang bahagi ng southern Luzon.

Iniulat ni Perez na sa ngayon, nasa Severe Tropical Storm category na ang bagyong may international name na Fung-wong.

“Inaasahan natin na posible pang umabot ng typhoon hanggang super typhoon category bago ito tuluyang mag-landfall dito sa may bandang northern and central Luzon area,” patuloy niya.

Sinabi ni Perez na posibleng mag-landfall ang bagyo sa katimugang Isabela o hilagang Aurora area sa pagitan ng Linggo ng gabi hanggang Lunes ng madaling araw, bago inaasahang tatawid ang sentro nito sa hilaga at gitnang Luzon.

BASAHIN: Paparating na bagyo na Luzon ang tinutumbok, malawak ang maaapektuhang lugar -- PAGASA

“So dahil malawak po 'yung tinatawag nating radius o 'yung nasasakupan ng bagyo, posible hanggang sa Metro Manila, southern Luzon area, maging sa ilang bahagi ng eastern Visayas ay maramdaman nga itong epekto ng bagyong si Uwan sa mga susunod na araw,” sabi pa ni Perez.

Sa hiwalay ng ulat ng Balitanghali, sinabing posibleng makaranas ng rapid intensification o biglang paglakas ang bagyo habang tinatahak nito ang Philippine Sea sa pagpasok nito sa PAR.

FRJ GMA Integrated News