Inilahad ng Office of Civil Defense nitong Sabado na mahigit sa 50 probinsya ang maaapektuhan ng Bagyong Uwan, kung saan may 30.8 milyong mga Pilipino ang “exposed” o mahahagip ng mga pag-ulan at malalakas na hangin.

Sa isang pulong balitaan nitong Sabado, sinabi ni OCD spokesperson Junie Castillo na nasa 30.8 milyon ang kabuuang populasyon ng mga probinsyang maaapektuhan ng Bagyong Uwan.

"Total population in coastal areas exposed to Typhoon Uwan… this is 1.6 million," sabi ni Castillo.

Ayon kay Castillo, ang "exposed population” ay "itong exposure na pinag-uusapan natin ay kung sino, saan ang hahagipin ng hangin, at mga dalang pag-ulan ng Bagyong Uwan."

Dagdag niya, inilista ng Department of Environment and Natural Resources-Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) ang mahigit 8,000 barangay "that are also exposed and prone to rain-induced landslides and flooding."

Sinabi ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr na “full alert” na ang mga ahensiya ng gobyerno.

Sa isa namang briefing hapon ng Sabado, sinabi ng OCD na mahigit sa 50 mga probinsya ang maaapektuhan ng Bagyong Uwan.

“Mayroon na tayong 54 provinces na apektado nito as far sa Region 1 hanggang Caraga, itong northern part ng Mindanao,” sabi ni OCD Deputy Administrator Bernardo Rafaelito Alejandro IV.

“Apektado rin nito, kung tuloy-tuloy ang track, itong mga rehiyon natin sa Visayas — Western Visayas, Central Visayas and Eastern Visayas,” dagdag ni Alejandro.

Gayunman, hindi idinetalye ng OCD ang mga probinsya, ngunit sinabi ni Alejandro na kasali ang National Capital Region.

“Fifty four, kasi one area ang NCR, that’s 53 provinces plus NCR,” sabi niya.

Binanggit ni Alejandro ang mga datos mula sa Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) noong Biyernes na humigit-kumulang 5.7 milyong indibiduwal sa mga baybaying lugar ang maaapektuhan sa banta ng Bagyong Uwan.

“And then another 61.6 million naman ay exposed dito sa buong track niya nadadaanan,” sabi niya.

Nanawagan ang OCD sa mga lokal at panglalawigan na pamahalaan na maaapektuhan ng Bagyong Uwan na tapusin na ang kanilang mga paghahanda bago magtanghali ng Linggo.

“We are appealing that this should be done sana nga, not later than noon tomorrow (Linggo). Dapat tapos na po lahat ng preemptive or preparatory activities kasi nga we cannot wait na nandiyan na ‘yung ulan, nandiyan na ‘yung hangin, saka pa lang sila mag-evacuate,” sabi niya. —VBL GMA Integrated News