Nagbabala ang Department of Education (DepEd) nitong Sabado na mahigit 12,000 mga paaralan sa 120 dibisyon ang maaaring malagay sa peligro ng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa mga pag-ulan sa paglakas ng Bagyong Uwan na papalapit sa Silangang Visayas.
Sa isa nitong ulat, sinabi ng DepEd na may kabuuang 11,968 paaralan sa 120 dibisyon ang nanganganib sa pagbaha, habang 12,747 paaralan sa 110 dibisyon ang nanganganib sa pagguho ng lupa dahil sa inaasahang pagbuhos ng mahigit sa 200 milimetro ng ulan mula Nobyembre 8 hanggang 10.
“The Department of Education - Disaster Risk Reduction and Management Service (DepEd-DRRMS) continues to monitor [Typhoon Uwan] as it further intensifies while moving west northwestward over the sea east of Eastern Visayas. This typhoon may affect more than 12,000 schools in 120 school divisions,” sabi ng DepEd.
Inirekomenda ng DepEd - DRRMS ang mga sumusunod para sa mga apektadong School Division Offices at mga paaralan:
• Makipag-ugnayan at makipagtulungan sa mga lokal na unit ng pamahalaan at disaster risk reduction and management councils para matiyak ang kahandaan sa pagtugon sa emerhensiya
• Pakilusin ang School Disaster Risk Reduction Management (SDRRM) teams at contingency plans para mapaghandaan ang mga potensyal na pagbaha, pagguho ng lupa, at mga daluyong mula sa bagyo
• Pangalagaan ang mga materyales at kagamitan sa pag-aaral
• Maglagay ng mga suplay at mapagkukunan para sa mga emerhensiya
• Iulat ang lahat ng insidente sa pamamagitan ng IMRS
“The Department of Education is committed to ensuring the safety and well-being of all learners and staff. Be aware. Be prepared. Be safe,” saad ng DepEd - DRRMS.
Samantala, nitong Biyernes, iniulat ng DepEd na may kabuuang 1,920,402 na mag-aaral at 79,306 na tauhan sa 3,478 na pampublikong paaralan sa limang rehiyon sa buong bansa ang naapektuhan ng Bagyong Tino at ng shear line.
Dagdag pa rito, 2,564 na silid-aralan sa 424 na paaralan sa pitong rehiyon ang ginamit bilang mga evacuation center.
Batay sa mabilis na pagtataya ng pinsala, mayroong 2,156 na bahagyang nasira, 806 na malubhang nasira, at 391 na tuluyang nasira na mga silid-aralan, ayon sa DRRMS Incident Management Report System. —VBL GMA Integrated News

