Dalawang sakay ng motorsiklo ang nasugatan matapos tamaan ng bahagi ng electronic billboard na bumagsak mula sa isang gusali sa kasagsagan ng hagupit ng bagyong “Uwan” sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nangyari ang insidente sa Aurora Boulevard-Katipunan Service Road southbound dakong 9 a.m.
“Dalawa ang sugatan dahil sa insidente. Nangyari ang insidente pasado 9 a.m. sa gitna ng malakas na hangin at ulan sa lugar,” pahayag ng MMDA.
Sa ulat ni Allan Gatus sa Super Radyo dzBB, sinabing dinala ang rider at kaniyang angkas sa isang ospital.
Nagtamo umano ng sugat ang rider, at may iniindang pananakit sa dibdib at balakat. May namaga naman sa bahagi ng mukha ng kaniyang angkas.
Bukod sa dalawang biktima, natamaan din ng bumagsak na bahagi ng electronic billboard ang isang kotse na nagtamo ng pinsala sa bumper. — Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

