Muling itinalaga si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson bilang chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong Martes, isang buwan matapos siyang magbitiw sa puwesto sa gitna ng imbestigasyon kaugnay ng mga flood control project.
Sa plenary session ng Senado, inihain ni Senate Deputy Majority Leader JV Ejercito ang mosyon na muling mahalal si Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon panel.
Inaprubahan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mosyon matapos na walang senador ang tumutol.
Matatandaang nagbitiw si Lacson bilang chairman ng Blue Ribbon Committee noong Oktubre 6 dahil may ilang senador umano ang hindi nasisiyahan sa “direksiyon” ng imbestigasyon kaugnay sa sinasabing substandard at ghost flood control projects.
Matapos ang kaniyang pagbibitiw, itinalaga si Senator Erwin Tulfo, ang vice chairman ng komite, bilang acting chairperson ng panel.
Nakatakdang ipagpatuloy ang pagdinig tungkol sa flood control projects sa Biyernes, Nobyembre 14.
Zaldy Co sa Zoom
Sinabi ni Lacson na iimbitahan si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co, na dumalo sa susunod na pagdinig hinggil sa iregularidad sa flood control projects sa pamamagitan ng video conferencing platform.
“Si Zaldy Co, we’re extending our invitation kung pupwede siyang mag-participate via Zoom. Of course, kung nasa abroad siya, as we all know, most probably he's abroad, so hindi magiging valid ang kanyang testimony unless nandoon siya sa premises ng Philippine Embassy doon sa lugar na kinaroroonan niya,” sabi ni Lacson sa ambush interview.
“If not, puwede naman siyang mag-testify and then, puwedeng after the testimony, puwede niyang ipa-affirm ‘yung nilalaman ng kanyang salaysay, ‘yung kanyang testimony sa isang consul kung nasaan siya naroroon,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ni Lacson na wala siyang direktang komunikasyon kay Co, at ipapadala lamang ang imbitasyon sa kaniyang opisyal na address.
Sinabi rin ni Lacson na iimbitahan sa susunod na pagdinig ng Blue Ribbon Committee ang 17 iba pang kongresista, kabilang si Leyte Representative Martin Romualdez. — Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News

