Nasawi ang 21-anyos na Alas Pilipinas volleyball player na si Ike Barilea matapos mabangga ng bus ang minamaneho niyang motorsiklo sa Negros Occidental.

Sa ulat ni Adrian Prietos ng GMA Regional TV sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang trahedya noong Martes sa Cadiz City.

Sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo si Ike ng matinding pinsala sa dibdib at likod na dahilan ng kaniyang pagkamatay, ayon sa ulat.

“Na-miscalculate niya at natamaan ang biktima. Hindi niya natantya at nahagip ang likurang bahagi ng motorsiklo at tumilapon,” ayon kay Police Lieutenant  Mansueto de Jose, deputy chief ng Cadiz City Police Station.

Naghihinanakit ang tiyahin ni Ike na si Angelic Barilea sa sinapit ng kaniyang pamangkin.

“Sa driver naman, sana hindi mo binangga,” saad ni Angelic. “Ang sakit-sakit talaga.”

Ang lola ni Ike na si Cheryl Javier, sinabi na, “Kung puwede lang sana, ako na lang kunin, hindi siya.”

Ayon sa pulisya, nakalaya na ang driver ng bus dahil sa lumampas na ang tinatawag na reglementary period sa pagsasampa ng reklamo.

Gayunman, itutuloy umano ng pamilya ang pagsasampa ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide laban sa driver kapag dumating na ang in ani Ike mula sa Maynila.—FRJ GMA Integrated News