Sa ulat ni Jhomer Apresto sa Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV ng Barangay 867 ang pagtakbo ng tatlong lalaki habang buhat-buhat ng isa sa kanila ang isang babae sa Barangay 867 bandang 6:30 p.m. ng Huwebes.
Ayon sa barangay, dadalhin ang babae sa ospital matapos mabaril sa kaliwa niyang paa. Inakala pa noong una na ligaw na bala ang tumama sa kaniya.
Ngunit sa pangatlong balik ng pulisya, dalawang baril umano ang narekober sa bahay mismo ng biktima, na isang airsoft at isang .45. Sa kuha pa ng CCTV, makikita ang isang pulis na may dalang plastic kung saan nakasupot ang mga baril.
Sinabi ng barangay na tinitignan pa nila kung kamag-anak ng babae ang nakabaril sa kaniya.
“No idea kung sino. Kuya yata or kamag-anak eh. Pero iyang pamilyang ‘yan, maayos, hindi naman magulo,” sabi ni Chairman Marlon Rivera ng Barangay 867.
Sinabi naman ng isang residente na kuya mismo ng biktima ang aksidenteng nakabaril sa kaniya.
“Namamaril daw talaga ng daga ‘yun. Gabi-gabi yata, ganoon ang nangyayari. Pagka-uwi niya raw ng bahay, nagpahinga… Namaril daw yata ng daga, tapos hindi sinasadya, tinamaan ang kapatid,” sabi ng residenteng si alyas “Leo.”
Batay naman sa salaysay ng babae sa pulisya, katatapos lang niyang maglaba noon at kumakain na ng hapunan nang bigla siyang makarinig ng putok ng baril.
Bigla siyang natumba at napansing dumudugo na ang kaniyang paa.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng Pandacan Police Station, kabilang kung lisensiyado ang baril na ginamit ng lalaki.
Posible siyang maharap sa patong-patong na reklamo sa oras na mapatunayang ilegal ang kaniyang baril.
Sinubukan ng GMA Integrated News na makipag-ugnayan sa pamilya ng biktima, pero tumanggi silang sumagot sa tanong kung sino ang nakabaril sa kaniya. —VAL GMA Integrated News
