Inakusahan ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sina Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr at kaniyang pinsan na si dating Speaker Martin Romualdez, at ilang miyembro ng Gabinete ng pagpaplano ng umano'y "insertions" na nagkakahalaga ng P100 bilyon sa national budget.
"Nagsimula ito noong tumawag si Amenah Pangandaman sa akin noong nag-umpisa ang BICAM process last year, 2024... Ang sabi niya, katatapos lang ng meeting nila ni Pangulo at may instructions na mag-insert o magpasok ng P100 billion worth of projects sa BICAM," sabi ni Co sa isang video na inilabas ng kaniyang kampo nitong Biyernes.
Nakipag-ugnayan na ang GMA News Online kay Romualdez at Pangandaman para sa komento ngunit wala pa silang tugon sa oras ng pagkalathala.
Tianawag naman ng Palasyo na "pure hearsay" ang alegasyon ni Co.
Samantala, sinabi rin ni Co na ang gobyerno ay "full force to silence him."
"Ginagamit ng administrasyon ang buong resources ng bansa para tumahimik ako. That he will shoot me if I will talk. Gagamitin ako bilang panakip butas sa kanilang kampanya laban sa korapsyon," sabi ni Co.
Nitong Huwebes, sinabi ni Marcos na hindi pa kasali si Romualdez sa case referrals na nilikha ng Independent Commission for Infrastructure.
Gayunman, sinabi ni Marcos, "If something else comes out, then he (Romualdez) might be answerable for something."
Una nang binatikos ng Pangulo ang kawalang-hiyaan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno at mga kontratista sa kaniyang ikaapat na State of the Nation Address noong Hulyo, at sinabing personal niyang nadiskubre na hindi maganda ang pagkakagawa o wala talagang nalikha na mga flood control project.
Noong nakaraang buwan, sinabi ni Marcos na walang bahid ng politika ang paglalantad sa katiwalian at mga iregularidad sa flood control projects.
"Why would I even start such a thing if somehow it’s for political advantage. The reason I brought it up and made it part of the national discourse was quite simply because this could not go on,” sabi ni Marcos.—LDF GMA Integrated News
